Kabuuang Teksto ng Lam-ang (epikong Ilocano) - Page 9 of 17
(Tagalog version)
Noon din naghanda
Naggayak na si Lam-ang
Papunta roon sa Calanutian
Na bayan ni Donya Ines Cannoyan.
Ay lakad na siya nang lakad
At nang nakalahati niya ang daan
Nasalubong niya
Ang lalaking si Sumarang
Na ang mga mata'y parang pinggan
Ang ilong sinlapad ng dalawang talampakan.
Ito ang sinabi ni Sumarang:Ay kaibigang lalaking si Lam-ang,
Saan baga ang punta mo
Sa gubat upang mangaso
O sa bundok upang mamitag,
O kaibigan kong Lam-ang?
Nagtanong naman si Lam-ang:Ay kaibigan kong Sumarang,
Makapagtanong na nga
Saan ka ba nanggaling
Aling lupa ang sadya mo
Aling bayan ang pinasyalan?
Sumagot si Sumarang:Kung iyan, kaibigan ang tanong mo
Nanggaling ako sa hilaga
Doon sa bayan ng Calanutian
Doon nakipagsapalaran
Kay Donya Ines Cannoyan.
Sumagot si Lam-ang:Ang pinanggalingan mo
Ang sadya ko at pakay,
Kaibigan kong Sumarang.
At sumagot si Sumarang:Ay kaibigan kong Lam-ang,
Huwag ka na lamang magtuloy
Pagkat sino ka naman
Para maibigan
Ni Donya Ines Cannoyan?
Kayrami doong mayayaman
At senyores na Kastila
Wala man lamang dinungaw
Si Donya Ines Cannoyan.
Ay kaibigan kong Lam-ang,
Huwag ka nang magtuloy.
Sinabi rin ni Lam-ang:Ay kaibigan kong Sumarang,
Ngayon tayo'y maghiwalay
At pilit akong makikipagsapalaran
Doon sa bayan ng Calanutian
Baka sakaling ako ang maibigan
Ni Donya Ines Cannoyan.
Sinabi ni Sumarang:Ito na ang katapusan mo!
Pagkat nariyan na, abangan mo
Itong hawak kong mga sandata
Pagkat di mo makikita
Itong sandata kong may kawit.
Sinabi rin ni Lam-ang:Kung iyan ang iyong kagustuhan,
Kaibigan kong Sumarang,
Narito ako't nakahanda.
Inihagis ni Sumarang
Yaong sibat na kanyang hawak
Kagyat niyang tinudla
Ang kaibigan niyang si Lam-ang.
Sinalo ito ni Lam-ang
Na waring tumatanggap ng hitsong
Binilot ng dalaga
Sa ikmong luntian. [25]
Inipit niya ito
Sa hinlalaki't kalingkingan
Saka pinaikot nang siyam na ulit
Sa kanyang leeg at likuran
At saka niya sinabi:Ay kaibigan kong Sumarang,
Ngayo'y ibabalik ko ang sibat
Pagkat ayaw kong magkautang
Pagkat mainit na ito sa pagkakahawak
Ngunit malamig pa rin ang aking sibat
Pagkat di pa ito nagagamit.
Ay kaibigan kong Sumarang,
Hayo na't iyong abangan
At kung hindi mo masundan
Bangkay mo ang mapapahandusay
Kaawa-awa ang iyong maiiwan
Ay kita'y binabalaan.
Kanyang kinawayan
Yaong hanging dagat
At sabay ang sibat
Inihagis ang sibat
Sa siyam na burol
Inilipad at itinawid
Niyaong sibat
Ang lalaking si Sumarang.
[25] ikmong luntian = Ginagamit na pagnganganga.