Kabuuang Teksto ng Lam-ang (epikong Ilocano)

(Tagalog version)

O! maningning na Diyos Espiritu Santo
Ilawan Apo[1] ninyo ang pag-iisip ko
Nang maging tapat sa pagsasalaysay ko
Ng kasaysayan ng isang tao.

Noong panahong unang-una
May dalawang mag-asawa
Na katatanggap pa lamang
Ng matrimonyong mahal.
Sa pagdaan ng mga araw
Di nagtagal ang babai'y naglihi na
Pagka't dumating na ang pagbubunga
Ng sakramentong tinanggap nila.

Iba-ibang bungangkahoy
Ang malimit na kinakain niya:
Sampalok na murang-mura
Kamyas at balimbing
Bukong sa lambot ay mala-uhog
Mga bayabas na maasim-asim
Suha at lolokisen[2]
At ang ulam niya'y ito:
Panapana at maratangtang[3]
Ar-arosip at aragan[4]
Talabang tinungkab
Hinuling pasayan
Pingpinggan at im-immoco[5]
Loslosi at pocpoclo[6]

Leddangan pa at soso[7]
Pagkat mga ito ang kanyang ibig.

Nang makasapit na siya
Sa ikapitong buwan ng pagdadalang-tao
Labis ang kagalakan nila
At malapit na ang panganganak niya!
At sa gayong kalagayan
Nitong babaing si Namongan
Kanyang napag-isipan
Ang gagawing balitang.

Sinabi niya't sinambit:
Ay asawa kong Don Juan,
Mamutol ka pa sana
Ng gagawing balitang.[8]
Iyo nga sanang tingnan
Yaong itinanim nating kawayan
Doon sa Bundok Capariaan
At pumutol ka ng ilan.

Ngayo'y nararapat na
Na ating ihanda
Ang mga kakailanganin
Para sa pagsilang ng bata.
Nang di tayo mabigla
Pag niluwal na siya
Nariyan na rin ang handang balitang
Na nararapat na higaan.

[1] Apo = Isang tawag ng paggalang.

[2] lolokisen = Mga maasim na bungangkahoy.

[3]Panapana at maratangtang = Mga uri ng suso.

[4]Ar-arosip at aragan = Mga uri ng damong-dagat.

[5]Pingpinggan at im-immoco = Mga uri ng suso.

[6]Loslosi at pocpoclo = Mga uri ng damong-dagat.

[7]Leddangan pa at soso = Mga uri ng suso.

[8] balitang = Papag na nakaangat nang bahagya ang isang dulo. Higaan ito sa pangaganak.

Pages

Learn this Filipino word:

kutong-lupà