Kabuuang Teksto ng Lam-ang (epikong Ilocano) - Page 17 of 17

(Tagalog version)

At nang kanilang narating
Yaong pinuntahan ni Lam-ang
Kanilang natagpuan
Yaong damit ni Lam-ang
Umiyak si Cannoyan
Pagkat labis-labis ang kanyang lumbay.
Sinabi noong manok na tandang:
Apo, huwag kang mag-alala
Kung si apo ang nasa isip mo
Mabubuhay siyang walang sala
Basta't mahanap nila
Ang lahat ng mga buto niya.

Sumisid na ngayon
Si Tandang Marcos na maninisid
Ngunit wala siyang natagpuan
Muli siyang sumisid
Natagpuan na niya ang mga butong
Idinumi niyaong isda.

Itong manok na ang mga paa'y dilaw
Ay totoong matalino
Pagkat nahulaan niya
Ang mangyayari
Sa lalaking si Lam-ang
At babaing si Cannoyan.
Sinabi rin niyong tandang:
Lahat ng mga buto'y
Iahon agad
Nang walang kulang
Kahit isang buto lamang
Nang maisauli na ang kanyang buhay.

At nang naiahon nang lahat
Inayos niya ang mga buto
Wala nang kulang
At nang mahusto nang lahat
Ang mga buto ni Lam-ang
Ganito ang kanyang ibinadya:
Ay apo kong Cannoyan,
Ikumot mo sa mga buto
Ang tapis mo
Saka agad kang tumalikod.

Tumilaok ang tandang
Namayagpag ang manok na paa'y dilaw
At gumalaw ang mga buto.
At sumunod na rin
Yaong asong may kulay sa batok
Tumahol siya nang dalawang ulit
Saka niya kinahig
Ang lahat ng mga buto.
At tulad ng hula ng tandang
Ang mga buto ni Lam-ang
Ay nabuhay nang walang sala
At bumangon na nga roon si Lam-ang.
At ngayon kanyang sinabi,
Anong sarap ng tulog ko,
Asawa kong Cannoyan,
Ang tulog ko'y anong himbing
At pitong araw na ngayon
Na hindi tayo magkapiling
Kasabikan ko ay labis na.

At sinabi rin ni Cannoyan:
Tulog ka ikamo, ngunit hindi
Pagkat idinumi ka niyang isdang
Dambuhalang pating.
Yaon pangitain ko tungkol sa iyo
Ay nagkatotoo; ako'y tumangis
Ay asawa kong Lam-ang,
Hindi ko nasawata ang lumbay!

Asawa kong Don Lam-ang,
Iabot mo nga ang iyong kamay
At labis-labis na ang kasabikan
Ng babaing Cannoyan
Ang asawa mong iniwan.

Silang dalawa ay napahandusay
Natumba silang tulad ng baklad
Sa labis-labis nilang kasabikan
Naggiliwan silang dalawa.

At ang lalaking si Lam-ang
Sa labis-labis niyang kasabikan
Ang kaniyang manok na tandang
At ang aso niyang balahibuhin
Kapwa niya ito hinagkan.
At nang gayon na nga
At ang giliwan nila tapos na
Naggayak na silang lumisan
Sapagkat uuwi na sila
Sa bahay nilang pinanaugan.

At nang nakarating na sila
Sinabi ni Lam-ang:
Nararapat ngang bayaran
Itong matandang maninisid
Ng maraming pera,
Asawa kong Cannoyan.
Nararapat na mahalin natin
Ang manok na paa'y dilaw
Gayon din ang tandang
At ang asong balahibuhin
Pagkat di nila ako pinabayaan
Kung hindi'y baka nawala na akong tuluyan.

At nararapat din nga
Na magmahalan kata,
Iniirog na Cannoyan,
Nang maligaya tayong mamuhay
Pagkat ito ang ating inaasam-asam
Dito sa lupang tinatangisan.

Ito ang katapusan
Ng kasaysayan ng buhay
Ng lalaking si Lam-ang
Na asawa ni Donya Ines Cannoyan
At maginhawa silang namuhay.

Learn this Filipino word:

buhay-alamáng