Katangian at Kaugalian ng epikong Agyu
Pinag-ugnay ni Agyu, ang bayani ng liping Manobo, sa iisang kalinangan ang Livunganen-Arumanen at Ilianon ng Hilagang Cotabato at ang Bukidnon at Talaandig ng Bukidnon. Hanggang ngayon, naniniwala ang mga Manobo na si Agyu at ang palaanak niyang mga kamag-anak ang kanilang ninuno. Pinatutunayan ng paglaganap ng epikong Agyu sa mga Manobo ng Timog at Hilagang Minadanao at ng pagkakaugnay-ugnay ng labingwalong wikang Manobo, ang kasaysayang oral ng mga Livunganen-Arumanen at Ilianon na nagsasabing nagmula ang kasalukuyang mga tribong Manobo sa unang tribong Manobo na namuhay nang mapayapa't masagana sa Banobo, sa pamumuno ni Datu Tabunaway. Maging ang mga Muslim na Magindanao at Maranao ay sinasabing inapo ng mga Manobong kabilang sa naturang tribo, na kasama ni Mamalu, ang nakababatang kapatid ni Tabunaway ay sumasampalataya sa Islam, sa hikayat ni Sharip Kabungsuwan sa dakong 1515. Marahil, naipapaliwanag ng palagay na itong iisang-pinanggalingang-angkan kung bakit kamag-anak ang karamihan sa nakalaban ni Agyu. Kaya't ang utos ni Lagabaan, ang diwata ng kulog, ay tigilan na nila ang digmaan ng magkakapatid.
Hanggang ngayon, nangaroon pa rin ang mga Manobo sa mga pook na unang kinatagpuan sa kanila ng mga Kastila: sa wawa ng ilog Agusan, sa lalawigan ng Iligan, sa pulo ng Camiguin, sa mga linan sa Cotabato at Davao na malapit sa ulunan ng Rio de Grande ng Mindanao (ngayo'y Ilog Pulangi), gayundin sa kahabaan ng baybayin ng Hilagang Mindanao. Bunga marahil ng di-pagkakaunawaan sa wika ang pagkatawag ng Kastila ng Manobo
sa dinatnang katutubo. Manobo,
na ang ibig sabihin ay tao
, ang tugon marahil ng tinanong kung sino sila. Sa paniwala naman ni Ferdinand Blumentrit, ang wastong baybay ay Manubo
o Mansuba
na nangangahulugang taga-ilog
.
Datapwat isang bagay ang malinaw. tiyak na malaon nang naroroon ang mga taga-ilog
ni Tabunaway nang dumating si Kabungsuwan noong 1515. Kung ang pagbabatayan ay ang mga platong porselanang binabanggit ng epiko, masasabing higit pang matanda ang epiko, pagkat sa pagitan ng 960 at 1127 (Dinastiyang Sung) nagsimulang dumagsa sa kapuluan ang mga kalakal Tsino. Ang higit pang naunang panahon ay mahihinuha sa mga alamat na etiolohikal at sa pagbanggit ng kepu'-unpu'un
sa dalawang nag-uumpugang malalaking bato, na wari bagang mga panga ng malaking sawa, na bumubukas-sumasara pagkatapos kumain ng tao
, na kailangang daanan ng sasakyan nina Agyu sa paglalayag patungong Nalandangan. Ang pinakaunang pagtukoy sa kababalaghang ito ng nag-uumpugang bato ay yaong ginawa ni Apollonius ng Rhodes, makata ng ikatlong dantaon, nang kanyang banggitin ang Symplegades na naglagay sa panganib sa mga Argonot. Gayunman, ang pagkakahawig na ito ay maaaring higit na retorikal kaysa historikal.
Dalawa pang karagdagang salik ang mapagbabatayan ng katandaan ng epiko. Ang kepu'-unpu'un
, sa kalakhan, ay nasa tuluyan at binibigkas, sa halip na nasa tula at inaawit na siyang kinaugalian noong unang panahon. Mahihinuha rin na noong una ay magkakawing ang kepu'-unpu'un
at ang sengedurug
, at hindi magkahiwalay tulad ngayon. Sinauna ang wika ng kepu'-unpu'un
, samantalang ang sa sengedurug
ay pangkasalukuyang wikang Manobo na maraming kaugnay na salita sa wikang Bisaya. Pinatitibay pa ito ng katunayang ang konsepto ng bayani sa epikong Agyu ay yaong bayani ng tribo, at hindi ang konsepto ng bayani ngayon bilang isang natatanging tao lamang. Waring pinatutunayan ng lahat ng ito ang labis na katandaan ng epikong Agyu.