Katangian at Kaugalian ng epikong Agyu - Page 3 of 3

Hango sa mga sengedurog na naisatitik at naisalin na ang balangkas ng salaysay na binuong akda -  ang pagtatayo ng Nalandangan, ang mga paglusob at pagtatanggol dito, at ang muling pagtatayo ng Nalandangan.  Nakabatay sa akda sa katutubong wika at sa salin sa Ingles ang salin sa Pilipino.  Bagamat pinanghawakan ang katumpakan ng salin sa Ingles, palibhasa’y salin mismo ng mang-aawit o di kaya’y sinalin sa tulong ng katutubong tagapagsalita ng wika, muli itong simulit sa pamamagitan ng Talasalitaang Manobo-Ingles at Bisaya-Ingles-Tagalog.

Sinasalamin ng epikong Agyu ang lipunan at kalinangang Manobo na sa kalakhan ay nanatili hanggang sa ngayon; dito ang pangunahing pinagkakaabalahan ay ang pagpapatuloy ng buhay ng tribo.  Yamang sa lupa at sa isa’t-isa sila umaasa upang mabuhay, mataas ang paggagap ng epiko sa sariling lupain at pamayanan.

Ang pagtatanggol at pagpapakain sa tribo ang siyang mahalagang tungkulin ng lahat ng kaanib na nasa hustong gulang.  Pag-aari ng tribo ang lupa at ang biyaya nito ay pinamamahagi nang pantay-pantay.  Banal ang lupain ng tribo at hindi maaaring pasukin ng iba nang walang pahintulot o pasintabi.  Ang paglabag dito ay pagsalakay na rin.  Ang paghihiganti o ang batas ng sibat, ang siyang kinaugaliang paraan ng paglutas sa sigalot sa loob at labas ng tribo.  Naiiwasang humantong ito sa pagkakaubusan ng pamilya o ng lipi sa pamamagitan ng kasunduang nalilikha ng kasal.

Mahalaga ang kaayusan sa pagkabuhay at katatagan ng tribo.  Kayat binubuklod ang mga pamilya ng pamumuno ng datu.  Ang pamilya ng datu ang siyang nasa taas ng tatsulok ng lipunan.  Subalit hindi isang autokrata ang datu.  Katuwang niya sa pamamahala ang sanggunian ng matatanda.  Isang pangkat ng piling mandirigma, sa pangunguna ng datu, ang siya namang nananagot sa tanggulan at katiwasayan ng tribo.

Antas-antas ding gaya ng kanilang lipunan ang relihiyon ng Manobo.  Binubuo ng pitong suson ang kalangitan at bawat suson ay tinatahanan ng isang diwata.  Sa ikapitong suson naroon ang Pinakamataas na Diwata.  Kanyang pinagkatiwala sa mabababang diwata ang pangangalaga sa kanyang nasasakupan.  Ang mga ito ang siyang tuwina’y sinusuyo sa pamamagitan ng ritwal at pag-aalay upang matiyak ang kaligtasan at pagkabuhay ng tribo.

Mahihinuhang para sa Manobo ngayon, ang namamalaging halaga ng epikong Agyu ay ang patuloy na paggunita sa pangitain ng Nalandangan na ikinintal ng masusing paglalarawan ng karangyaan at kasukdulan dito – isang utopia na muling babangon sa mga guho.  Katumbalikan ito ng kasalukuyan nilang dahop na pamumuhay.  Sa ganang kanila, ang Nalandangan ay isang mitong nakalipas at isang mithiing panghinaharap.  Ang paglalarawan sa Nalandangan sa unang panauhang maramihan (tayo), sa pangkasalukuyang panahon (tahasang tinig at panaganong paturol) ang palatandaang pangwika na pinanatiling buhay sa isipan ang utopia sa bawat pag-awit ng epiko.  Lilinaw pa ito kung isasaalang-alang na ang salaysay ng buhay at pakikipagsapalaran nina Agyu ay nasa ikatlong panauhan at sa nagdaang panahunan.  Mangyari natamo na ng kanilang ninuno ang ngayo’y inaasam nilang utopia.  Malaking bagay na rin kung iisipin, na patuloy na inaawit ang epikong Agyu at umaantig pa rin sa ngayo’y nangongonti nang 250,000 Manobo ng Timog at Hilagang Mindanao.

Pinatutunayan ng nahalaw na pananaw-mundong Nalandangan ang katunayang tayo’y may isang tiyak na pagkakilanlang pangkalinangan.  Tinurol na ng maraming etnolohista, kabilang na si Jose Rizal, na ito’y may mga pagpapahalagang hindi pantribo lamang at wala rin namang ugat sa kanluran.

At sabihin pa bang ang pananaw-mundong Nalandangan na nagmimithi ng isang buhay na mapayapa’t malaya ay angkop na angkop pa rin sa ating masigalot na panahon.

Patricia Melendrez-Cruz
Maynila, 1984

Learn this Filipino word:

may apóy sa tuktók