Katangian at Kaugalian ng epikong Agyu - Page 2 of 3
May tatlong bahagi ang epikong Agyu: (1) ang pamahra (panawagan), (2) ang kepu'-unpu'un
(ugat o simula) at (3) ang sengedurug
(bahaging binubuo ng isang buong pangyayari). Nagsisismula ang epiko sa pamahra. Nananawagan ang mang-aawit sa Pinakamataas na Diwata o dili kaya’y sa diwata ng salaysay na gawin siyang marapat na tagapamagitan. Ang kepu'-unpu'un
at ang sengedurug
ang siyang bumubuo sa pinakasalaysay. Tinutungkol ng kepu'-unpu'un
ang nakalipas ni Agyu at ng kanyang lipi - ang kanilang pagtakas sa pagka-alipin, ang kanilang paghihirap, at ang kanilang gantimpala: ang pagiging mala-imortal at ang kanilang utopia sa Nalandangan. Palibhasa’y hinggil sa nakaraan, iisa lamang ang pinakabanghay nito, bagamat nagkakaroon ng bahagyang pagkakaiba-iba sa pagsasalaysay, dahil na rin sa kalikasan ng panitikang bayan. Pinapaksa naman ng sengedurug
ang kasalukuyan nina Agyu, na ngayo’y mala-imortal na, sa Nalandangan. Sa sengedurug
, ang sa pangkalahatan ay makatotohanang pananaw ng kepu'-unpu'un
ay naging maharaya. Itinaas sa antas na ideyal ang makalupang pamumuhay nina Agyu. Maraming nalikhang sengedurug
, bunga ng malikhaing pangangailangan ng makatang bayan at ng pang-aliwang pangangailangan ng tagapakinig. Patuloy na malilikha ang mga bagong sengedurug
hanggat namamalagi ang paniniwala ng taumbayan kina Agyu.
Nangingibabaw sa kepu'-unpu'un
at, bagamat di kasing linaw, sa sengedurug
ang pamamalakad ng Bathala, ng tadhana, at ng sariling kabayanihan. Hindi inilalarawan bilang tagapasimuno ng aksiyon ang bayani ng bayan – ang magkakapatid na Agyu. Manapa, pinakikilos sila ng kanilang mga katunggali o di kaya’y ng Bathala. Gayunman, hindi nababawasan ang kanilang kabayanihan. Nagpapamalas sila ng katatagan ng loob sa harap ng kagipitan. Datapwat di dapat isipin na ang epikong Agyu ay tungkol lang sa mga bayani, pagkat ito ay may adhikain ding tungo sa sariling kakanyahan.
Naiiba ang diin ng epikong Agyu sa karamihan ng aming nabasang katutubo’t banyagang epikong bayan. Hindi babae kundi bayan ang layon ng pakikipagsapalaran ng bayani sa Agyu. Bayan sapagkat katumbas ito ng buhay ng tribo. Inilahad sa tambalang taludturan ang kasaysayan ng isang mapayapang lipi mula sa sarili nilang lupa – biktima ng kasakiman at kagahaman sa kapangyarihan ng iba. Isa silang lipi na gugustuhin pa ang isang buhay na mahirap subalit malaya kaysa buhay na batugan na alipin naman. Kabalintunaan kung iisipin, ngunit habang inaawit ng epiko ang digmaan, ang higit na lumalabas ay ang tema ng kapayapaan. Sa lahat ng pagbabakang tinatampok ng epiko, hindi mananalakay ang mga Manobo. Bagkus lumalaban lamang sila upang ipangtanggol ang sarili, at upang ipagsanggalang at mapanatili ang kanilang pagkakakilanlan at kalayaan. Katunayan, sa pagdidiin nito sa iisang angkang pinagmulan, nanawagan ang epiko na tigilan na ang digmaang-kapatid na marahil ay may kalimitang maganap noon.
Karaniwang inaawit sa mabagal na paraan ang epiko. Tinatakda ng uri ng pangyayari o ng agay-ay ang liku’en (himig) na gagamitin, halimbawa kung matulain, madula, o madamdamin. Ang liku’en para sa matulain o sa malarawang bahaging madula at halos istakato ang indayog. Isang nota ang gamit sa bawat pantig na mariin ang bigkas. Pinaghahalili ang liku’en at penehensen upang hindi maging kabagut-bagot. Hindi sinasaliwan ng anumang instrumentong musical ang pag-awit. Ang ikinatatanyag ng batikang mang-aawit ay ang dami ng liku’eng kanyang ginagamit at ang pangyayaring hindi niya sinasaulo ang kanyang taludtod. Lumilikha siya habang umaawit. Mangyari pa, pinakasusuyo siya sa mga pagdiriwang o kahit na sa karaniwang pagtitipon ng tribo.
Pinatili sa aming binuong akda ang mga katangian ng isang epikong bayan: ang masusing paglalarawan sa mga pook, bagay-bagay, at pangyayari; ang pag-uulit, gaya halimbawa ng talinghagang naglalarawan sa bayani, ng karaniwang bati, tugon, at pamamaalam, ng tagpo tulad ng paghahanda’t pagdaramit ng mandirigma, ng mga pangatnig na taludturan; ang pagkausap ng mang-aawit sa mga tauhan at sa tagapakinig. Gayundin, isinama ang mga pagkabisala’t pagkalimot ng mang-aawit, pagkat patibay ang mga ito ng kalikasang pabigkas ng epiko.