Kabuuang Teksto ng Lam-ang (epikong Ilocano) - Page 16 of 17

(Tagalog version)

Ay ito naman ang sinabi
Ng babaing si Unnayan:
Magtatanong nga rin ako
Tungkol sa anak natin na manugang ko
Ang lalaking si Lam-ang.

Sinabi naman ni Namongan:
Ay kaibigang balae,
Kung si Lam-ang ang tinutukoy mo
Bagong buwan kung siya'y umalis
Patay na kung siya'y bumalik.
Na kanyang tutulungan.

Isa-isa niyang sinasapnan
Ang lilim ng lahat ng punong-kahoy
Kung siya ay nasa kagubatan.

At sinabi rin
Ng matandang babaeng si Namongan:
Donya kong balae,
Ako naman magpapapiging.

Naggayak na silang lumisan
Pumuntang lahat sa dalampasigan
Ang mga kababayan ni Donya Cannoyan
At mga kababayan din ni Lam-ang.
Lahat sila'y sumakay
Sa dalawang sasakyan
At nang nakasakay na
Ang kabuuan ng mga kababayan
Naggayak at niladlad na nila
Ang layag ng mga sasakyan.
At nang hindi umusad
Ang dalawang sasakyan
Tinampal din ni Lam-ang
Ang likuran ng mga sasakyan
Umusad na silang dalawa
Sa ihip ng malakas na hangin.

At nang kanilang narating
Ang bayan nilang Nalbuan
Dumaong na sila
Umahon na sila
At bumalik silang lahat
Sa bahay nilang pinanaugan.
Agad ding nagsayawan
Ang mga kababayan ni Cannoyan
At ang mga kababayan ni Lam-ang.

Hiniling ng balana
Na itong mag-asawa
Ay sumayaw rin
At hiniling ni Lam-ang
Na isayaw niya si Cannoyan.
At noon din nga'y sumayaw sila
Ng pandanggo, balse at kuratsa.
Sagamantika ng Pangasinan
At pios [29] doon sa Kailokohan.
Ngayo'y naghiwa-hiwalay na sila
Naiwan si Cannoyan
Pagkat iniwan na ng ina niya
Sa piling ni Lam-ang.

At nang nakaalis na
Ang mga kababayan ni Cannoyan
Dumalaw naman
Ang kasalukuyang kapitan [30]
Sa bahay ni Lam-ang.
At sinabi niya kay Lam-ang:
Ay kaibigan kong Lam-ang,
Ibig kong ipaalam
Na panahon mo na ngayon
Para sumisid ng rarang. [31]

Pagkaalis nitong kapitan
Ito ang sinabi
Ng lalaking si Lam-ang:
Ay asawa kong Cannoyan,
Panahon ko na raw
Para sumisid ng rarang.
Mayroon akong kutob
Na lalamunin ako ng isda
Ng dambuhalang pating
At tiyak na uulamin ako
At ito ang iyong tatandaan
Magsasayaw ang hagdan,
Magigiba ang bubong ng lutuan
Madudurog ang kalan.

Kinaumagahan
Naggayak na si Lam-ang
Agad niyang pinuntahan
Ang kanyang sisisiran
At nang nakarating na
Naghubad na nga si Lam-ang.
Tinungo niya yaong dako ng rarang
Inaninaw ni Lam-ang
At nang kanyang makita
Yaong gumagapang na rarang
Tumalon na nga si Lam-ang
Ngunit hindi niya ito natagpuan.
Hinanap niyang muli
At kanyang inaninaw
At nang kanya nang makita
Ang gumagapang na rarang
Tumalon muli si Lam-ang
At bumagsak sa bunganga ng isda
Ng dambuhalang pating!
At nagkatotoo ang mga tanda
Sa asawa niyang si Cannoyan
Nagsayaw-sayaw yaong hagdan
Nagiba yaong bubong ng lutuan
Nagkadurog-durog yaong kalan.
Umiyak ngayon si Cannoyan:
Ay asawa kong Lam-ang,
Nasaan ka na ngayon?
Wala pa akong mabayarang
Maninisid na mapapakiusapang
Mag-ayos ng mga buto mo.

Pumunta na rin at naghanap
Ang babaing si Cannoyan
At nang kanyang natagpuan
Si Tandang Marcos na maninisid
Tinalian na
Yaong puting tandang
Yaong dumalagang mga paa'y dilaw
Nitong babaing si Cannoyan.
Gayundin kanyang tinalian sa leeg
Ang aso nilang balahibuhin
Asong may kulay sa batok.
Saka niya pinangko
Yaong dumalaga at tandang
At sila'y lumisan.

[29] Ng pandanggo, balse at kuratsa.
Sagamantika ng Pangasinan
At pios doon sa Kailokohan = Pandanggo, balse at kuratsa = mga sayaw na maka-Kastila;
sagamatika at pios = mga katutubong sayaw na panseremonya.

[30] kapitan / Capitan de barangay = kapitan ng barangay na siyang pinakamaliit na pangasiwaan sa panahon ng mga Kastila. Ito ay batay sa matandang lipunan na binubuo ng sampung pamilya noong bago pa dumating ang mga Kastila. Ang lipunang ito ang tinatawag na barangay.

[31] rarang = Dambuhalang susong-dagat.

Learn this Filipino word:

mabigát ang dibdíb