Kabuuang Teksto ng Lam-ang (epikong Ilocano) - Page 12 of 17
(Tagalog version)
Ito rin ang sinabi
Ng matandang babae at matandang lalake:Ay kasi, anak naming Lam-ang,
Kung iyo ngang matutupad
Ang lahat ng sasabihin naming sa iyo
Mapapangasawa mo si Cannoyan
Ngunit kung hindi mo makakayanan
Ang lahat ng sasabihin namin sa iyo
Huwag ka sanang magdamdam.
Sinabi rin ng manok na paa'y dilaw:Kung iyan, apo, ang wika mo
Handa si Lam-ang
Sa lahat ng iyong maibigan.
Sinabi ng matandang lalake:Ay kasi, anak kong Lam-ang,
Igala mo ang mga mata mo
Sa gitna nitong bakuran
Ginto ang daanan
Lahat ng mga batong tuntungan
Ay gintong dalisay.
Ay kasi, anak kong Lam-ang,
Igala mo ang mga mata mo't
Tingnan din ang bakuran
At may dalawang tila tandang
Apat na tila inahin
Dalawang tila ulang
Na sumasalunga sa ilog
At ginto ang lahat ng mga iyan.
Ay kasi, anak kong Lam-ang,
Igala mo ang mga mata mo
Nang makita mo
Ang mga kayamanan ni Cannoyan!
Ngayon sa gitna ng aming bahay
Na mana sa kanunu-nunuan
Ang gumugulong na dalawang bola
Ang mga tila lukban
Na gintong dalisay
Ay laruan ni Cannoyan.
Itong sinuliran at ikiran
Gintong dalisay ang mga iyan
Lahat niyang mga habian
At gayon din ang sampayan.
Sinabi't ibinulalas
Ng ina ni Cannoyan:Ay kasi, anak kong Lam-ang,
Kung iyong matatapatan
Ang mga sinabi namin sa iyo
Mapapangasawa mo si Cannoyan
Kung iyong matatapatan
Lahat ng aming iniharap.
Sinabi rin ni Lam-ang:Ina, tungkol sa mga sinabi mo
Kasi, inang Unnayan,
Ang inyong mga hinihingi
Ay bahagi lamang
Ng aking mga minana.
Ni hindi ito katumbas
Ng isang palaisdaan
Na pinag-aaliwan ko
Na pinaghuhulihan ng maliliit na hipon
Marami pa akong ari-arian
Sa lupa ng Kaigorotan.
Siyam na ulit pa nito ay aking minana
Sa aking ingkong
At amang pinagkakautangan
At sa ina kong si Namongan.
Kung kukulangin pa
Ang lalaking si Lam-ang
Dalawa pa ang sasakyan
Gintong dalisay
Na nagdadala ng mga pinggan
Mula sa bayang Tsina
Pagkat nakipagkasunduan na rin ako
Sa hari roon sa Puanpuan
Na siya kong kasosyo't kamag-anak
Doon sa bayan ng Tsina
Na pinaglakbayan
Ng balangay kong sampan
Na maaaring nakabalik na
Puno ng porselana.