Kabuuang Teksto ng Lam-ang (epikong Ilocano) - Page 8 of 17
(Tagalog version)
Pagkat nais ko sanang makipagsapalaran
Doon sa bayan ng Calanutian [24]
Dito balitang-balita
Si Donya Ines Cannoyan.
Ay dalagang may puring dalisay
Na tila siyam na kawan ng bituin
Na kumikinang
Sa isang gabi.
At sinabi rin ni Namongan:Ay anak kong lalaking Lam-ang
Apo, huwag ka nang pumunta roon
Pagkat di ikaw ang uri ng tao
Na maiibigan
Ni Donya Ines Cannoyan.
Marami raw ang higit na mayayaman
Pati mga Kastila nagsasadya
Ngunit wala siyang naiibigan
At hindi ikaw ang uri
Na maiibigan
Ni Donya Ines Cannoyan.
At sumagot si Lam-ang:Ay kasi, inang Namongan,
Pupunta akong walang sala
At ako'y makikipagsapalaran
Doon sa bayan ng Calanutian
At nawa'y ako ang maibigan
Ni Donya Ines Cannoyan.
Sumagot muli si Namongan:Ay kasi, anak kong Lam-ang,
Kung asawa, apo, ang ibig mo
Kay raming mga dalaga
Sa loob ng bayang ito
Mamili ka
Ng magugustuha't maiibigan mo.
Ito naman ang sinagot
Ng lalaking si Lam-ang:Ay kasi, inang Namongan,
Ina, sa mga sinabi mo
Wala akong naiibigan
Sa mga binanggit mong mga dalaga
Huwag mo akong aantalahin
At pupunta akong wala sala.
Ito ang sinabi
Ng babaing si Namongan:Kasi, anak kong Lam-ang,
Apo, huwag kang pupunta
At baka buhusan ka pa niya
Ng isang timbang ihi
Maaawa ka lang sa iyong sarili
Kung ikaw ay mapahiya.
Ito ang sinabi
Ng puting tandang
Na ang mga paa'y dilaw
At ng asong may kulay sa batok:Kasi, apong Namongan,
Kahapon ang aming napanaginipan
Ay manugang mong walang sala
Si Donya Ines Cannoyan.
Sinabi na nga ni Lam-ang:Ina, ang langis ay ilabas mo nga
Yaong langis na ginawa kahapon
At aking lalangisan
Itong manok kong mga paa'y dilaw
Maggagayak kami't pupunta
Doon sa bayan ng Calanutian.
Ay kasi, inang Namongan
Ina, iabot mo nga
Yaong tanikalang gintong
May siyam na likaw.
At nang natanggap na niya
Yaong gintong likaw-likaw
Kanya nang tinalian
Yaong puting tandang
Gayon din kanyang tinalian
Yaong aso niyang balahibuhin
May kulay sa batok
At nang kanya nang natalian
Naggayak na siyang lumisan.
Pinangko niya rin yaong tandang
Manok na ang mga paa'y dilaw
At ngayon sinabi ni Namongan:Ay kasi, anak kong Lam-ang,
Diyos ang pumatnubay sa iyo.
Mag-ingat ka sa daan
Ang mga daraanan mo
Nang iyong matukoy
Mga panganib na nag-aabang.
At sinabi rin ni Lam-ang
Sa ina niyang si Namongan:Ay kasi, inang Namongan,
Diyos ang umalalay sa iyo.
[24] bayan ng Calanutian = Isang maliit na nayon sa bayan ng Sinait, Ilocos Sur.