Kabuuang Teksto ng Lam-ang (epikong Ilocano) - Page 6 of 17

(Tagalog version)

At nang kanyang marating
Ang bayan niyang Nalbuan
Sinabi niya sa babaing si Namongan:
Ay kasi, inang Namongan:
Magtatanong ako
Kung ano ang kasalanan
Ng amang pinanggalingan
At ikaw ay kanyang iniwan.

At sumagot si Namongan:
Ay kasi, anak kong Lam-ang,
Kung ang ama mo, apo, ang wari mo
Wala akong alam na ikinagalit niya
Pagkat di pa naman kami nag-away.

At sinabi rin ni Lam-ang
Sa ina niyang si Namongan:
Parusa sana ang ilalapat sa iyo
Mabuti't ikaw ay nakapangatwiran.

Ay kasi, inang Namongan,
Patunugin mo ang gong
Nang pumarito
Ang mga kapatid kong dalaga
Dalawang siyam
Siyam na tigsisiyam.
At ako sana'y kanilang guguan
Doon sa Ilog Amburayan
Ang buhok ko'y tila gulaman na
Pagkat naalikabukan
Sa maghapong digmaan kahapon.

Ay kasi, inang Namongan,
Atin ngang kunan ng palay
Yaong kamalig na luma
Na ang mga haligi'y gasatan
Ang sahig ay der-an
At hinubog na bellang.[16]
Ay kasi, inang Namongan,
Kunin mo rin ang giniikan.

Kinuha rin ni Namongan
At kanilang winalisan
Yaong pintuan ng kamalig
Na nilawayan at dinumihan na
Ng ipis at gagamba
Sa tagal ng pagkakasara. [17]
At siyam na taon na ngayong
Di tayo gumigiik
Ng palay nating samosam
Ibuan at lagingan
Lumanog at lampadan
Maratectec at macan
Gaygaynet at balasang
Gayon din ng kimmatuday. [18]

Matapos nilang makagiik
Sinabi niya sa mga pumunta
Pagbutihin ninyo
Ang inyong magiik
Ay inyo na rin.

At nang nakagiik na sila
Ng higit sa isang baar [19]
Sinabi muli ni Lam-ang:
Ay mga kapatid kong dalaga,
Ang binibigkis ninyo ay dalhin na.
Huwag ninyong kalimutan
Ang baong panalok [20]
Kumuha kayo ng baga
Na paniga sa giniikan.
Ay mga kapatid kong dalaga,
At isauli ninyo ang baga
At ito'y maidagdag
Sa baga ng plantsa. [21]

At doon sa ilog Amburayan
Tayo maliligo
Pagkat balita ko'y naroon
Ang pinakamalaking buwaya
Pagkat ibig kong kabakahin
Ang pinakamalaking buwaya

At naggayak na sila
Patungo sa ilog Amburayan.
Sa pampang ng ilog na ito
Iginala niya ang kanyang mga mata
Agad niya ring nakita
Bulang likha niyaong buwaya.

At sinabi ni Lam-ang:
Ay mga kapatid kong dalaga,
Sigaan ninyo iyang giniikan.
[22]
At nang hindi nila ito mapagliyab
Kinawayan ni Lam-ang
Yaong pinakamalakas na hangin
Nagliyab iyong giniikan
Kay kapal ng asap
Naghiyawan ang mga taga-San Juan
Nangagtakbuhan ang mga taga-Bacnotan
Sa pag-aakalang doo'y may sunog.
Nang hindi nila ito mapatay
Kinawayan ni Lam-ang
Ang ulang tila ibinubuhos
Mula sa ulap na tila bangin
Kidlat at lintik ang naghalinhinan
Ngunit ayaw pa rin itong mamatay.

[16] Na ang mga haligi'y gasatan
Ang sahig ay der-an
At hinubog na bellang = Mga uri ng kahoy.

[17] Ay kasi, inang Namongan,
Kunin mo rin ang giniikan.
Kinuha rin ni Namongan
At kanilang winalisan
Yaong pintuan ng kamalig
Na nilawayan at dinumihan na
Ng ipis at gagamba
Sa tagal ng pagkakasara = Inililigpit ang palay na nakabigkis ang mga tangkay. Karaniwang ginigiik ito sa harap ng kamalig upang maghiwalay ang palay at ang giniikan. Kaya dapat linising mabuti ang harap ng kamalig.

[18] Ng palay nating samosam
Ibuan at lagingan
Lumanog at lampadan
Maratectec at macan
Gaygaynet at balasang
Gayon din ng kimmatuday = Mga uri ng palay

[19] baar = Sampung bigkis ng palay sa giniikan.

[20] baong panalok = Kalahati ng bao ng niyog.

[21] baga ng plantsa = Ang plantsa noon para sa mga damit ay tila munting palanggana, na may kahoy na hawakan. Pinaiinit ito ng mga bagang inilalagay rito.

[22] Sigaan ninyo iyang giniikan = Nagagawa ang panggugo sa ganitong paraan: sinusunog muna ang giniikan, inilalagay ito sa isang baong may mga butas, at saka pinatutulo ang tubig sa baong ito.

Learn this Filipino word:

kapalágayang-loób