Kabuuang Teksto ng Lam-ang (epikong Ilocano) - Page 3 of 17

(Tagalog version)

At nang siya'y mabinyagan
Nagtanong muli ang bata
Sa ina niyang si Namongan
Tungkol sa amang pinagkautangan:
Ay ina, ibig kong itanong
Kung mayroon akong ama o wala
Kung anak ako sa labas o hindi
O kung marangal ang aking pinanggalingan.

At sumagot si Namongan:
Ay kasi anak kong Lam-ang,
Kung ang ama mo ang tinutukoy mo
Narito ka pa lamang sa aking sinapupunan
Nang lumisan siyang biglaan.
Ito ang dahilan kaya wala na siya
Digmaan ang kanyang pinuntahan
Sa bayang Kaigorotan
Ng mga Igorot na tatuan.

Sinabi rin ni Lam-ang:
Ay inang Namongan;
Itong anak mo'y tulutan
At aking hahanapin
Ang amang pinagkautangan.

At sinabi rin ni Namongan:
Ay anak kong matapang na si Lam-ang,
Huwag kang pupunta
Manipis pa ang iyong talampakan

Ang mga kamay mo'y tila nakaikom pang mga dahon
Gulang mo'y di pa man umaabot
Ng siyam na buwan.
Nagpumilit lamang na lumisan
Itong matapang na lalaking si Lam-ang.
Digmaan ang kanyang pinuntahan
Sa bayang Kaigorotan
Kanyang hinanap
Ang ama niyang pinanggalingan.
Nagsilid sa bulsa ng bato ng sagang
Gayon din ng tangraban
Bato pa ng lawlawigan
Gayon din ng batong musang.[11]

Nagdaan siya sa karawagan
Gayon din sa kabuhuan
Ginamit niyang gayon na lamang
Yaong mutya ng alupihan.
At nang kanyang malapitan
Ang lambak ng ilog
Agad na niyang nakita
Ang pinakamalaking puno
Dito karaniwang humihimpil
Ang mga Igorot na tatuan
At dito niya aabatan
Ang kanyang makakalaban.

[11]Nagsilid sa bulsa ng bato ng sagang
Gayon din ng tangraban
Bato pa ng lawlawigan
Gayon din ng batong musang = Mga mahiwagang batong galing sa mga ibon at hayop na ito: sagang = isang mailap na hayop na kahawig ng pusa; tangraban = ibong malaki-laki sa pugo; lawlawigan = isang maliksi, butuang ibon; musang = isang uri ng pusang-bundok. Sila ay nagbibigay kay Lam-ang ng mahiwagang kapangyarihan.

Learn this Filipino word:

makunat