Ibong Adarna - Page 47 of 47
(Original Text in Ancient Tagalog)
1013. Ang dinatnan sa palacio
secretario't, consejero,
siya ngang pagdating dito
nang emperador na bago.
1014. Yaong encantong laon na
ay inalis capagdaca,
yaóng batóng balót nila
nagsilitao na lahat na.
1015. Ang lihim na iningatan
nang hari nilang magulang
sa panahóng ito naman
ay caniyang inalitao.
1016. Ang tigre't, león sa parang
at tauo sa caharian,
sila'i, nangagsipaluál
sa balát cayong catauan.
1017. Nang, mangyaring malabas na
ang tauo ay cumapal na,
nagpahanda nang lamesa
itong si doña María.
1018. Ang silla'i, gayon din naman
ay husto ring ualang culang,
ang pagcaing bagay-bagay
sa lamesa'i, nalalagay.
1019. At sa dulo nang lamesa
mayroong dalauang silla,
na uupán bagáng sadyá
nang príncipe at princesa.
1020. Sacá naman capagdaca
itong si doña María,
nuha nang isang bandeja
inilagay ang corona.
1021. Cumuhang sintabi naman
sa haráp nang manga mahal,
na naroong napipisan
consejeros bagáng tanán.
1022. Pagmalasi't, tingnan ninyo
ang emperador na bago,
siyang nahalili ito
doon sa haring amá co.
1023. Ipinutong capagdaca
yaong cetro at corona,
at sa cay doña María
ang mahal na diadema.
1024. Matapos umagapay na
ang bunying emperadora,
at cumain ang lahat na
sa mariquit na lamesa.
1025. Nang sila ay matapos na
nang pagcaing mahalagá,
nagsi-tindig na lahat na
para-parang nangag-viva.
1026 Viva ang inahihiyao
nang boong sangcaharian,
mabuhay na ualang hangan
ang emperador na mahal.
1027. Sabihin bagá ang guló
doong sa loob nang reino,
arao, gabi ang músico
ualang tahan sa palacio.
1028. Ay ano'i, sa matapos na
siyam na arao na fiesta,
caguluha'i, payapa na
nitong bagong nagcorona.
1029. Ang emperador na mahal
at asaua niyang hirang,
nagpasunod nang mahusay
sa tanang nasasacupan.
1030. Ano ipa't, silang dalauá
sing-ibig na mag-asaua,
mahusay ang pagsasama
ualang pagtatalo bagá.
1031. Sila'i, lubós nagcabagay
at capua manga mahal,
mag-utos pa ay malubay
sa manga vasallong tanán.
1032. Caya nga't, ang naging hangá
nitong bunying mag-asaua,
nang sila'i, mangamatay na
quinamtan ang santa gloria.
1033. Ito ang dapat tularan
nang mag-asauang sino man,
ang loob na cababaan
capatid nang capalaran.
1034. Aquin nang bibig-yáng hangá
corridong ipinagbadyá,
cun sa letra'i, may sumala
capupunan ay cayó na.
CATAPUSAN