Bulaklak ng Kalinisan - Page 9 of 10
KAMPUPOT:
Ang kasintahan ko’y ang luha ng langit,
ang araw, ang buwan sa gabing tahimik,
at si Bubuyog po’t Paruparong bukid,
ay kapwa hindi ko sila iniibig.
PARUPARO:
Matanong nga kita, sinta kong bulaklak,
limot mo na baga ang aking pagliyag?
limot mo na bagang sa buong magdamag
pinapayungan ka nga dalawang pakpak?
KAMPUPOT:
Tila nga, tila nga sa aki’y mayroong
sa hamog ng gabi ay may nagkakanlong,
ngunit akala ko’y dahon lang ng kahoy
at di inakala na sinuman yaon.
BUBUYOG:
At ako ba, Mutya, hindi mo na batid
ang mga bulong ko’t daing ng pag-ibig,
ang akin bang samo at mga paghibik
na bulong sa iyo’y di mo ba narinig?
KAMPUPOT:
Tila nga, tila nga ako’y may napansing
daing at panaghoy na kung saan galing,
ngunit akala ko’y paspas lang ng hangin
at di inakala na sinuma’t alin.
BUBUYOG:
Sa minsang ligaya’y tali ang kasunod,
makapitong lumbay o hanggang matapos.
PARUPARO:
Dito natunayan yaong kawikaan
na ang paglililo’y nasa kagandahan.
(SABAY) BUBUYOG AT PARUPARO
Ang iisang sanglang naiwan sa akin
ay di mananakaw magpahangang libing.