Bulaklak ng Kalinisan - Page 6 of 10
PARUPARO:
Hindi mangyayaring sa isang bulaklak
kapwa napaloob ang dalawang palad,
kung ikaw at ako’y kanyang tinatanggap
nagkasagi sana ang kanilang pakpak.Ikaw ay Bubuyog, sa urang sumilang
nang makalabas ka’y saka mo hinagkan;
ako ay lumabas sa kanya ring tangkay,
sino ang malapit sa pagliligawan?Una muna akong nag-uod sa sanga
na balot ng sapot ng pagkaulila,
nang buksan ng Diyos yaring mga mata
bulo’t dahon naming ay magakasama na.Sa ugoy ng hangin sa madaling-araw
nagduruyan kaming dalawa sa tangkay,
at kung bumabagyo’t malakas ang ulan,
ang kanya ring dahon ang aking balabal.Sa kanyang talulot kung may dumadaloy
sa patak ng hamog, aking iniinom;
sa dahon din iyon ako nagkakanlong
sa init ng araw sa buong maghapon.
Papano ngang siya ay pagkakamalan
sa kami’y lumaki sa iisang tangkay,
kaya nga kung ako’y sa kanya nabuhay
ibig ko rin namang sa kanya mamatay.
BUBUYOG:
Huwag kang matuwa, sapagkat kaniig
niyang bulaklak ang inaaring langit,
pagka’t tantuin mo sa ngalang pag-ibig,
malayo ma’t ibig, daig ang malapit.Saka ang sabi mong sa mutyang kampupot
nakikiinom ka sa patak ng hamog,
kaunting biyaya na bigay ng Diyos,
tapang ng hiya mong ikaw ang lumagok.Ikaw’y isang uod, may bulo kang taglay;
sa isang bulaklak laso’t kamatayan,
at akong bubuyog ang dala ko’y buhay
bulong ng hiningang katamis-tamisan.