Balagtasan Noon at NgayonBalagtasan Noon at Ngayon

Hindi maikakaila ang katotohanang ang ating katutubong BALAGTASAN ay isang pagpapahayag na panitikan, tangi sa isang tradisyong kultural ng ating bansa.  Mangyari pa, ito’y maituturing din natin bilang isang bahagi ng Sining ng Pakikipagtalastasan.  Sa pamamagitan ng paglalahad ng sariling opinion at katwiran, batay sa paksang pinagtatalunan at bagaman ito’y ginagawa sa pamamagitan ng pagtula at pagtutugma ng mga salita o rima, naipapahayag natin at tuwina’y nauunawaan tayo nang mataman ng ating kapwa tungkol sa ibig ipaliwanag o ipakahulugan.

Bilang kultura, ang Balagtasan ay isang uri ng aliwang sariling-sarili nating mga Pilipino.  Hindi lamang sa radio, tanghalan at telebisyon idinaraos ito sa kasalukuyan kundi maging sa mga silid at tanghalan man ng paaralan (siyempre, ang mga naglalaban ay pawang mga mag-aaral).  Sa katunayan, tayo lamang ang tanging bansa sa daigdig na may ganitong paraan o uri ng pagtatalo sa anyong patula; isang tulang pampagtatalo.

Karaniwan, ang isang Balagtasan ay may dakilang layuning kultural: upang linangin ang wastong kaugalian at kaisipan ng tao, laluna ng mga kabataan at mag-aaral.  Ang bawat paksa nito ay halos nasasangkot sa pangkasalukuyang suliranin ng buhay sa bansa, sa pag-asang ang mga ito’y magsasangkot naman sa tao upang sila’y makaramdam, mag-isip, magbalak at kumilos tungo sa ikalulutas ng kani-kanilang suliranin, kung mayroon man.

Higit sa lahat, ang Balagtasan ay nagsasaalang-alang ng mahigpit na pangangailangan ng kasalukuyan: humubog ng kabataang bagama’t may pananaw na pandaigdig, ay magpapatuloy sa matagal at mabalakid na gawaing paghahanap sa kanyang sariling pagkakakilanlan o identidad na nasikil ng mga impluwensiyang dayuhan at mapanakop, upang sa hinaharap ay matuklasan ang kanyang tunay na sarili at maging wagas na Pilipino sa isip, sa salita, at lalung-laluna sa gawa.

Learn this Filipino word:

ginintuáng pusò