Kaligirang Pangkasaysayan ng Balagtasan

Sa simula, mawiwika natin na ang BALAGTASAN ay isang uri ng aliwang sariling-sariling atin.  Dapat mabatid na ang salitang Balagtasan ay hango sa salitang Balagtas, sagisag na ginamit noong panahon ng mga Kastila ng kinikilala nating Ama ng Tulang Tagalog, Unang Makatang Laureado ng Pilipinas at Prinsipe ng mga Makatang Tagalog.  Sa kaanyuang patula, ang Balagtasan ay isang uri ng pagtatalo o debateng patula na karaniwang ginaganap sa entablado ng mga mambibigkas kung nagkakaroon ng mga pagdiriwang.

Batay sa kasaysayan, bago nauso sa ating bansa ang Balagtasan ay nagkaroon muna tayo ng ibang uri ng mga pagtatalo, tulad ng Karagatan at Duplo.

Ang Karagatan

Isang katangi-tanging pamamaraang pampanitikan, ang karagatan ay isang dulang ipinalalabas bilang pang-aliw sa mga nauulila.  Ito’y ginaganap sa ikasiyam na gabi ng isang namatay, sa ikatatlumpung araw ng pagkamatay at sa unang taon ng kamatayan o pag-iibis ng luksa.

Ayon kay Julian C. Balmaseda, ang karagatan ay isang larong may paligsahan sa tula.  Galing daw ang pangalang ito sa alamat ng singsing ng isang dalagang nahulog sa gitna ng dagat at ang binatang makakuha ay siyang pagkakalooban ng gintong Granada o pag-ibig ng dalagang nawalan.  Kaya’t ang karaniwang simula ng laro ay ganito:

Karagatang ito’y kahit na malalim
Pangangahasan kong aking lulusungin,
Hustong bait ninyo ang titimbulanin<
Na inaasahang sasagip sa akin.

o dili kaya’y:

Karagatang ito’y oo nga’t mababaw,
Mahirap lusungin nang hindi maalam,
Kaya kung sakaling ako’y masawi man,
Kamay mong sasagip yaong hinihintay.

Sa dakong Kabisayaan, ang karagatan ay di-gaanong pormal at katulad ng ating Juego de Prenda sa kasalukuyan.  Narito ang isang halimbawa ng larong karagatan sa Kabisayaan:

Nag tanum ako limon,
Putus brillante ang dahon,
Ng tauo nga makapasilong,
Luas guid sa Kamatayon.

Sa wikang Tagalog, ito ang ibig sabihin:

Nagtanim ako ng limon,
Pulus brilyante ang dahon,
Ang taong mapasilong,
Ligtas sa Kamatayan.

Mahalagang malaman din na noong taong 1741 ay ipinagbawal ng Arsobispo ng Maynila ang karagatan sa dahilang kung minsan daw ay may mga pananalita ito na labag sa kautusan ng relihiyong Katoliko.  Ang sinumang nais magpalabas ng karagatan ay kailangang humingi ng permiso.

Ang Balagtasan

Sumilang ang Balagtasan noong Abril 2, 1925, kaugnay ng pagdiriwang ng kaarawan ni Balagtas.  Bago sumapit ang naturang araw, ang Akademya ng Wikang Tagalog na kinasasapian ng mga kilalang makata at mananagalog ay nagdaos ng isang pagpupulong sa gusali ng Instituto de Mujeres na nasa Tayuman, Tundo, Maynila.  Kabilang sa mga dumalong makata at manunulat ay sina Lope K. Santos, Iñigo Ed. Regalado, Patricio a. Dionisio, Teodoro E. Gener, Jose N. Sevilla, Jose Corazon de Jesus, Florentino Collantes, at iba pa.  Pinag-usapan nila’t napagpasiyahan, sa mungkahi ni Atty. Patricio A. Dionisio na ang larong ipapalit sa matandang duplo ay ang Balagtasan.  Bilang huwaran, si Dionisio na rin ang sumulat ng kauna-unahang Balagtasan at ito’y nalathala sa lingguhang pahayagang Telembang.  Sa balagtasang ito ibinatay ang unang Balagtasang itinanghal nina Corazon de Jesus at Florentino T. Collantes, ang Bulaklak ng Kalinisan na ginanap sa Instituto de Mujeres.  Sinundan na ito ng marami pang uri ng ganitong balagtasan.

Nagkaroon noon ng tatlong grupo ng mambabalagtas: sina De Jesus at Collantes; sina Amado V. Hernandez at Guillermo A. Holandez; at sina Rafael Olay at Tomas L. de Jesus.

Ang unang  Balagtasan nina Collantes at Huseng Batute ay naging matagumpay at kinagiliwan ng madla.  Si Lope K. Santos ang naging Lakandiwa; si Sofia Enriquez ang nag-Kampupot; si De Jesus ang nag-Paruparo; at si Collantes naman ang nag-Bubuyog.

Hindi nagtagal, ang Balagtasan ay ginanap sa dating Olympic Stadium na nasa Doroteo Jose, Sta. Cruz, Maynila.  Dito nagbalagtasan ang mga kilala’t pangunahing makata ng bansa, tulad nina Benigno Ramos, Pedro Gatmaitan, Pedro Mendoza at iba pa na nag-aagawan sa pagiging Hari ng Balagtasan.

Ang naging unang Hari ay si Jose Corazon de Jesus at pagkatapos ay si Collantes.  Ang isa sa mga naging huling hari ay si Emilio Mar Antonio at si Domingo Raymundo ay naging prinsipe.  Ang iba pang naging Hari ng Balagtasan ay ang mga makatang sina Jose Gallardo, Nemesio Caravana, Aurelio Angeles, Fernando Bautista Monleon at Cresciano C. Marquez, Jr.

Sa kabilang dako, kung sa Katagalugan ay naging popular ang Balagtasan, sa mga Ilokano naman ay naging tanyag ang ganitong uri ng pagtatalo sa tawag na Bukanegan na hango sa makatang Ilokanong si Pedro Bukaneg.  Sa mga Kapampangan naman ay mayroon din silang Crissotan na hango sa makatang Kapampangan na si Juan Crisostomo na ang ginagamit na sagisag ay Crissot.

Samantalang mayroon pa ring isang uri ng balagtasan sa kasalukuyan -  ang Batutian – na hango kay Huseng Batute na sagisag ni Jose Corazon de Jesus.  Ang ikinaiiba nito sa Balagtasan, ito’y nagtataglay ng pagpapaigting ng tudyuhan at pagmamayabang ng mga nagtatalong makata.

Mula sa entablado o tanghalan, ang Balagtasan ay narinig na rin sa radio o himpapawid at maging sa tanghalan ng mga paaralan sa kasalukuyan.  Ang unang naging tagatangkilik sa radio ay ang Elizalde & Company, isang makawikang bahay-kalakal.

Makabuluhan ding banggitin dito na unang nagkaroon tayo ng aklat na katipunan ng mga balagtasan noong 1937.  Ito’y inilathala ni Jesus Balmori.

Mga Karagdagang Ulat

Noong 1950, medyo nagbagong-bihis ang Balagtasan nang lumitaw ang grupo nina Antonio Raymundo, Ofelia Angeles at Ka Tino Estanislao.  Gaya rin nina De Jesus at Collantes, dinumog ng tao ang Balagtasan nina Ofelia at Raymundo.  Higit na uminit ang pagtanggap sa kanila ng publiko nang palagian silang naririnig sa radio.  Para silang nagkakagalit na parati.  May sigawan at may tudyuhan.  Sa kanilang panahon din nauso ang malayang taludturan.  May sukat, may tugma, ngunit kung minsan ay dalawa o isang taludtod lang ang isinasagot ng kalaban sa kanyang katunggali.

Mga taong 1960 nang ihayag ang pagiging Hari ng Balagtasan ni C.C. Marquez.  Sa aming pagkatanda, miminsan lamang naming nasaksihan si CC na lumaban ng Balagtasan – nang magkaroon lamang sila ng eliminasyon.  Magmula noon ay hindi na ito naulit, pagkat hindi na nagdaos ng pambansang timpalak sa sining na ito upang makilala at tanghalin ang sinumang magiging bagong Hari ng Balagtasan.

Kaalinsabay ni CC Marquez, si Zenaida Flores naman ang kinilalang Reyna ng Balagtasan.  Ito’y naganap nang pagkaisahan ng mga pangunahing makata’t mambabalagtas na si Bb. Flores ang gawin nilang reyna.  Hindi rin dapat itatwa ang taguring ito, pagkat bukod sa husay sa pagbigkas ay talagang kinikilala rin ng publiko ang panitik ni Zenaida Arcega Flores.

Sa kabilang dako ng pangyayaring ito, may mga mambabalagtas din na gumawa ng kani-kanilang kaningningan sa pamamagitan ng radio.  Ang mga ito’y sina Maria Fe Aguinaldo, Epifanio Alcaraz, Marlo Cabling, Gregorio Victorio, Diosdado Magadia, at iba pa.  Subali’t sa mga bagong sibol ng mga makata, kinilala at hinangaan naman sina Pablo Reyna Libiran, Elena A. Sunpongco, Rodolfo A. Milan.  Sa pamamagitan ng kanilang lingguhang programang Bagong Oras ng Balagtasan, magawa nilang higit na mapatingkad ang pagnanasa at kasiyahan ng tao sa pakikinig sa sining na ito.

Bagama’t maikli lamang ang panahong nauukol para sa naturang palatuntunan (kalahating oras lamang), nagawa rin nina Libiran na mapaabot sa apat na sulok ng kapuluan ang tagisan ng talino sa larangang balagtasan.  Ang kanilang programa ay isinasahimpapawid sa Himpilang DWWW, Lider Radio, sa pamamatnugot ni Henry Jones Ragas.

Masasabing dahil na rin sa naturang programa, maraming pook sa bansa ang narating na nina Libiran, Sunpongco at Milan upang magputong lamang ng korona o dili kaya’y magpupuri sa mga napiling reyna ng pagdiriwang.  Basta’t nagkasama ang tatlong ito, di maaaring hindi mahilingan silang magbalagtasan.

Sa kasalukuyan, bagama’t walang kinikilalang bagong Hari at Reyna ng Balagtasan, sina Pablo at Elena naman ay gumagawa na rin ng kanilang sariling bantayog sa larangang ito.  Sabihin pa, sila ang mga bagong dugo at sigla na bumubuhay at maaaring sumagip sa unti-unti nang namamatay na pamana ng Lahing Kayumanggi – ang BALAGTASAN.

Marahil, sa mga darating na panahon ay marami pang sisibol o lilitaw na mambabalagtas na kikilalalanin at hahangaan.  Sa ibabaw ng lahat, ang mahalaga ay ang huwag mamatay ang kulturang ito, pagkat tanging sa Pilipinas lamang masasaksihan ang ganitong uri ng sining.

Learn this Filipino word:

masakít sa loób