Sa oras ng pagluluwal ng sanggol, kung hinihingi ng pagkakataon na isa lamang ang dapat mailigtas ay sino sa dalawa ang marapat na mabuhay… ang inang magluluwal o ang sanggol na isisilang?
LAKANDIWA:
Ang napiling paksa ngayon ay mabigat at maselan
Pagkat buhay ng mag-ina ang lubusang nasasaklaw;
Kaya naman ang hiling ko’y unawaing mahinusay,
Bawat hagkis ng matuwid sa paksa ng paglalaban;
Upang akong lingkod ninyo sa hatol na ibibigay,
Hindi ninyo hinalaing mayron akong pinanigan.Unang tindig ngayong gabi’y ang makatang sakdal rikit
Na anino ay bulaklak sa hardin ng panaginip;
Sa halaga noong sanggol, siya ngayon ay kakatig,
At sandatang gagamitin ay talas ng kanyang isip;
Naririto siya ngayo’t maglalahad ng matuwid,
Walang iba’t si Elenang sa tulaa’y mabalasik.
ELENA:
Kung ako man halimbawa’y yaong inang magluluwal,
Sa sanggol na unang supling at bunga ng pagmamahal;
Ngunit dahil sa natamo na malubhang karamdaman,
Naging atas ng tadhana’y isa lamang ang mabuhay;
Sa ganitong pangyayari’y ibig ko pa ang mamatay,
Mabubuhay lang sa daigdig ang bunso kong isisilang.
Pagkat anak nating tao ay wala ngang pangalawa,
Kahit gintong kayamana’y di katumbas sa halaga;
Dugo’t laman ng magulang ang supling at ibinunga,
Pawang hirap at tiisi’y pinuhunan na talaga;
Kung masawi iyang bunso at mabuhay akong ina,
Tiyak lamang tatamuhi’y kalungkuta’y pagdurusa.Di ko hangad mabuhay pa sa ibabaw ng daigdig,
Kung bunso kong pinangarap, di ko naman makakamit;
Nawala man akong ina, anak naman ang kapalit
Na may bagong kapalarang sa palad n’ya’y nakaguhit;
Akong ina’y lumasap na ng ligayang ninanais,
Kaya’t ako’y nakahandang mamayapa’t manahimik.
LAKANDIWA:
Ngayon naman ang tatayo’t sa matuwid magpupukol,
Ang makatang Manilenyong sa labana’y walang urong;
Palibhasa’y sadyang sanay sa bigkasi’y walang gatol
Ang sino mang makaharap sa tulai’y nasasahol;
Walang iba’t si Pablitong ilalaot dito ngayon,
Kaya naman sa paglapit, palakpaka’y isalubong.