Sa oras ng pagluluwal ng sanggol, kung hinihingi ng pagkakataon na isa lamang ang dapat mailigtas ay sino sa dalawa ang marapat na mabuhay… ang inang magluluwal o ang sanggol na isisilang? - Page 4 of 6

PABLO:

Kung ikaw ay nagigipit, katalo ko sa bigkasan,
Aminin mo ang totoo’t hindi ito kasalanan;
Mahirap na igiit pa ang mali mong katuwiran,
Baka lalong mapalayo sa paksa ng salitaan;
Binanggit mo pati damit na hangad lang mapagmasdan,
Ang suot mong kayayari’t bagong tubos sa tahian.

Kung lahat ng mga luma, ang nais mo ay mawawaglit
Ay wala kang matitipong kasangkapang ginagamit;
Nakasubi pag inubos kung sahod mo ay makamit,
Wala ka ring maiimpok na panggugol kung magipit;
Wala tayo sa pagdami sa ibabaw ng daigdig,
Kung sa bawat isang sanggol, ang ina ay sasalangit.

Katalo kong binibini’y dapat mo ring mapagtanto,
Na kamoteng tinalbusan ay lalo pang lumalago;
Kung sa unang pagsisilang ay nasawi yaong bunso,
Sa susunod na panahon ay wala nang pagkabigo;
Hangga’t buhay iyang ina ang pag-asa’y di lalayo,
Pagkat buong nabubuklod, magkapilas nilang puso!

ELENA:

Halaga ng isang sanggol, kung hindi mo nababatid,
Sa Banal na Kasulata’y malinaw na nakatitik;
Nang mamugot noong ulo sa utos nga ni Herodes,
Sa sanggol na nangasawi, mga ina’y nagsitangis;
Ngunit isa’y nakaligtas na kay Maryang bunsong ibig,
Walang iba’t Ninyo Hesus na hulog nga noong langit.

Kung si Hesus ay namatay, paano nga matutupad,
Na ang tao sa daigdig, sa sala ay nailigtas?
Ang aral na inihasik, di rin natin matatanggap,
Mga lumpo at may sakit, di nagtamo noong lunas;
Kasiyahang ito ngayo’y di rin natin malalasap,
Pagkat baka itong mundo, sa sama ay nakasadlak.

Kaya’t ikaw, kabalagtas, pumayag na at umayon,
Na ang dapat na buhayin, hindi ina kundi sanggol;
Pagkat tanging nasa batang pinalaki at inampon,
Ang pag-asang inaasam sa darating na panahon;
Kung lagi mong puputulin, bawat usbong niyang kahoy,
Ang halaman itatanim, kailan ma’y di yayabong!

Learn this Filipino word:

pakimkím sa kamáy