Dapat ba o Hindi Dapat Mag-asawa Agad ang Isang Tao?
ni Pablo Reyna Libiran
LAKANDIWA:
Bilang isang lakandiwa, nagpupugay muna ako,
Tuloy itong balagtasan, ngayo’y muling bubuksan ko;
Sa naritong si Elena at batikang si Pablito
Na kapwa na hinangaan ng maraming mga tao;
Ang nais ko ngayong gabi ay muling mapagsino,
Ang tunay na mambibigkas at may diwang matalino.Mauuna sa tindiga’y ang panig na maghahayag,
Bago muna mag-asawa’y magpagulang ang marapat;
Kaya naman ang samo ko, kay Elenang isang dilag,
Sa kislap at katwira’y palitawin ang liwanag;
Narito na si Elenang sa pingkia’y magbubukas,
Salubungin sana ninyo ng matunog na palakpak!
ELENA (DI DAPAT):
Akong abang lingkod ninyo sa Hagunoy ang nag-atas,
Ay pamuling palalaot sa larangan ng pagbigkas;
Ang tinig kong mataginting na hindi nga kumukupas,
Sasainyong pakikinig sa himpila’y nagbubuhat;
Sa indayog ng tulaing hinabi ko sa pangarap,
Kayong mga tagahanga’y aaliwing walang liwag.
Ang panig kong titindigan sa napili ngayong paksa,
Karampatang mag-asawa, kung gumulang o tumanda;
Kung agad na mag-asawa, habang mura’t batambata,
Halaghag pa ang isipa’t hindi alam umunawa;
Bungangkahoy ang katulad nang pitasi’y murang-mura,
Kaya tuloy nang mahinog, maasim ding mawiwika.
Ang gawaing mag-asawa’y hindi isang pagbibiro
At di gaya niyang kaning iluluwa kung mapaso;
Ang sino mang magpakasal ay dapat na mapagkuro,
Nakahanda sa pasaning ligaya ma’t pagkabigo;
Kaya bago mag-asawa’y pagulangin iyang puso
Nang sa hirap at tiisi’y di karakang magugupo.
LAKANDIWA:
Kung sa bagay ay batid kong sa bigkasan ng talino,
Ay may angking karunungan ang makatang si Pablito;
Ngunit ngayon sa panig n’ya’y nangangamba ang puso ko,
Higpit iyang daraanan kung ito ay ipanalo;
Upang aking masubok nga’y narito na si Pablito,
Habang siya’y papalapit, palakpakan sana ninyo!