Sa oras ng pagluluwal ng sanggol, kung hinihingi ng pagkakataon na isa lamang ang dapat mailigtas ay sino sa dalawa ang marapat na mabuhay… ang inang magluluwal o ang sanggol na isisilang? - Page 2 of 6

PABLO:

Maganda ang patakaran nitong aking katunggali,
Ngunit wastong katuwira’y hindi niya napaglimi;
Na ang puno’y mahalaga kaysa bungang itinangi,
Kung puno ang mawawala, walang bungang mahihingi;
Ang bunso mong isinilang, sakali man at masawi,
Ikaw’y inang kung mabuhay, magsusupling pa ring muli.

Hindi ako tumututol na sabihin ngayon dito,
Na anak ay mahalaga sa ibabaw nitong mundo;
Ngunit dapat unawain ang lagay ng kabiyak mo,
Na higit kang kailangan, araw-gabi’y makasalo;
Kung ikaw ay mawawala at buhay ang bunso ninyo,
Tapos na rin ang ligayang sa pag-ibig natatamo.

Ang puno raw niyang mangga’y hindi dapat na putulin,
Kung hangad lang na makuha iyang bungang nakabitin;
Hayop naman na alaga, kung nais na paramihin,
Patayin na iyang anak, huwag lamang ang inahin;
Ang bunso mong dinadala, kung buhay man ay makitil,
May pag-asang mamunga pa ang matamis na paggiliw.

ELENA:

Kung ganyan ang ugali mo, katalo ko’t kabalagtas,
Pakasalan ay babaing hindi aring magkaanak;
Pagka’t ikaw ay lalaking ang layuni’t hinahangad,
Ligaya lang pansarili’t sa piling ng makabiyak;
Nalimot mo ang tungkulin na Diyos din ang may-atas,
Na tayo ngang likha niya’y magparami ang marapat.

Bakit mo nga papatayin ang sanggol na kaawa-awa,
Gayong ito ay kaloob at hulog nga ng tadhana;
Baka ito kung lalaki’y matalinong mawiwika,
Maging isang mangagamot kung lumaki’t magbinata;
Dili kaya kung babaing ang ganda ay pambihira,
Ay mapili at tanghaling ’Superstar’ nitong bansa.

Sa wika mong iyang ina kung hindi na bubuhayin,
Di na aring mamunga pa ang matamis na paggiliw;
Ngunit bunso kung mabuhay, hindi na rin ituturing,
Kung lumaki’t mag-asawa ay tiyakang darami rin;
Ang asawa kung mawala, may kapalit na kakamtin,
Kung sa ibang kagandahan ay sasamo at daraing!

Learn this Filipino word:

nagharì ang katáhimikan