Mga Pagkakaiba ng Balagtasan Noon at Ngayon
- Sa Paksa
-
Sa mga Balagtasang sinulat ng mga kilala at hinangaang makata noong araw, tulad halimbawa ni Jose Corazon de Jesus, mapapansin, sa kanilang kabuuan, na ang paksang ginagamit ay karaniwang tumatalakay sa pag-ibig o mga personal na bagay sa buhay. Subalit ngayon, maituturing natin na
malaya
tayong pumili ng anumang paksang nais nating pagtalunan – maaaring ito’y hinggil sa politika, ekonomiya, relihiyon o mga karaniwang nagaganap sa lipunang ating ginagalawan.Sa kaanyuan, ang pagturol noon sa mga maseselang bagay o paksa, lalung-lalo na yaong mga nauugnay sa ating pamahalaan, ay karaniwang ginagawa o sinasabi nang di tuwiran (indirect). Kung kaya ang karaniwang ginagawa noon ay gumagamit pa tayo ng mga simbolo o dili kaya’y inilalarawan at binibigkas natin ito nang patalinghaga – nang medyo may kalaliman ang kahulugan. Samantala, sa ngayon, tuwiran nating tukuyin o pag-ukulan ng pansin ang mga nagaganap na katiwalian sa ating gobyerno sa kasalukuyan, tuwiran na nating ipinahahayag ito sa paksang ating pinaglalabanan.
- Sa Taludturan
-
Ngayong mauso maging sa ating Balagtasan ang modernisasyon sa panulaan, nagiging iba na rin ang taludturan nating ginagamit. Kadalasan, ang dating labindalawang (12) pantig na ating ginagamit sa Balagtasan ay ginagawang labing-anim (16) na pantig na ngayon. Ang iba naman ay ginagawa itong labing-walong (18) pantig at kung minsan pa nga ay dalawanpu (20), ngunit bihira lamang gawin ang huling dalawang nabanggit.
Bukod sa rito, ang dating binubuo ng anim na taludtod sa bawat saknong ay binubuo o ginagawa na rin ngayong anim, walo o sampu. Hindi tulad noon na kapag sinimulan mo sa apat na talutod, kailangang matapos ito sa apat o anim din.
Maging sa haba ng bawat tindigan ay malaki rin ang pagkakaiba noon at sa ngayon. Noon, kailangang magdipensa ang isang makata sa habang lima hanggang anim na saknong sa bawat tindig. Pagkatapos, kailangang sagutin ng ganoong kahaba rin ng kanyang katunggaling makata. Samantalang ngayon, may mga pagkakataon na nakakadalawa o tatalong saknong pa lamang ang isang makata ay maaaring sambutin agad iyon ng kanyang katunggali at sagutin agad ang kanyang mga ipinahayag.
May mga pagkakataon din, lalung-lalo na’t nagkakainitan ang sagutan na nakakaisa o dalawang taludtod pa lamang ang isang makata ay sinasagot na agad siya ng kanyang katunggali.
Ang isang halimbawa nito ay ang paksang
Sino Ang Higit Na May Katangian Sa Ibabaw Ng Lupa?... Ang Babae o Ang Lalaki?
. Sa dakong hulihan nito ay may sagutang ganito:ELENA:
Hindi naman maaaring damit ninyo ay maalis,
At tiyakang kayong ito’y huhulihin noong pulis…PABLO:
Pati pulis at tiyak din na sa amin ay paparis,
Pag nawala ang babae, wala na rin silang bihis…ELENA:
Ang mayabang na lalaki sa sobra ang palikero,
Kapag kayo’y nasingitan… trumpeta ang dala ninyo…PABLO:
May magagandang nagdadala ng trumpetang sinabi mo,
Ngunit pangit sa babae, na maglakad nama’y bombooo!... - Sa Lengguwahe
-
Dahil sa ang Balagtasan ay sumilang o nabuo sa rehiyon ng Katagalugan, ang karamihan sa mga Balagtasang naisulat o binibigkas noon ay mga purong Tagalog. Mabibihira iyong gumagamit ng wikang hiram. Subalit ngayon ay iba na. May mga Balagtasan na nahahaluan ng wikang Ingles, Kastila at iba pa (bilingual) upang lalong maging maganda at kapana-panabik ang bawat sagot ng magkabilang panig.
Masasabi rin natin na ang karaniwan ay seryoso ang mga pagtatalo. Hindi maaaring sumagot ang isang mambabalagtas nang pasalita (o dili kaya’y iyong tinatawag na ad lib) habang tumutula o nagtatanggol ng kanyang panig ang isang makata. Kailangang hintayin muna niyang makatapos iyon bago siya sumagot o bumigkas ng mga birong salita upang magalit o mainis ang kanyang katunggali.
Pero ngayon, ang Balagtasan ay sinasamahan na ng kantiyawan o inisan ng magkabilang panig – upang higit na mapako ang atensyon ng mga manonood o nakikinig.
Sa pagkatapos, maidaragdag din natin dito na higit na mabilis ang mga bigkasan ngayon ng mga nagtatalong makata kaysa kahapon.