Bulaklak ng Kalinisan - Page 4 of 10

BUBUYOG:

Hindi mangyayari pagkat puso niya’y
karugtong ng aking pusong nagdurusa,
puso ni bulaklak pag iyong kinuha
ang lalagutin mo dalawang hininga.

Pusong pinagtali ng isang pag-ibig
pag pinaghiwalay, kapanga-panganib,
dagat may hatiin ang agos ng tubig,
sa ngalan ng diyos, ay maghihimagsik.

Ang dalawang ibon na magkasintahan,
papaglayuin mo’t kapwa mamamatay,
kambal na pag-ibig pag pinaghiwalay,
bangkay ang umalis, patay ang nilisan.

Paruparong sawing may pakpak na itim
waring ang mata mo’y nagtatakipsilim,
at dahil sa diwang baliw sa paggiliw
di man Kampupot mo’y iyong inaangkin.

Dinaramdam ko rin ang dinaranas mo
at sa kasawia’y magkauri tayo
ako ma’y mayroong nawawalang bango
ng isang bulaklak kaya naparito.

Buhat pa kanginang ikaw’y nangungusap
bawat salita mo’y matulis na sibat,
saka ang hanap mong mabangong bulaklak,
Luksang Paruparo, siya ko ring hanap.

Ipahintulot mo, Paruparong luksa,
dalitin ko yaring matinding dalita,
itulot mo rin po, hukom na dakila;
Bubuyog sa sawi’y makapagsalita.

PARUPARO:

Di ko pinipigil ang pagsasalaysay
lalo’t magningning ang isang katwiran,
ngunit tantuin mo na sa daigdigan
ang bawat maganda’y pinag-aagawan.

LAKANDIWA:

Magsalita kayo at ipaliwanag
ang ubod ng lungkot na inyong dinanas,
paano at saan ninyo napagmalas
na ito ang siya ninyong hinahanap.

Learn this Filipino word:

baboy na baboy