Bulaklak ng Kalinisan - Page 5 of 10
BUBUYOG:
Sa isang malungkot at ulilang hardin
ang binhi ng isang halama’y sumupling,
sa butas ng bakod na tahanan namin
ay kasabay akong isinisilang din.Nang iyang halama’y lumaki, umunlad,
lumaki rin ako’t tumibay ang pakpak,
at nang sa butas ko ako’y makalipad
ang unang hinagka’y katabing bulaklak.Sa kanyang talulot unang isinangla
ang tamis ng aking halik na sariwa,
at sa aking bulong na matalinghaga
napamukadkad ko ang kanyang sanghaya.Nang mamukadkad na ang aking kampupot
sa araw at gabi ako’y nagtatanod,
langgam at tutubing dumapo sa ubod
sa panibugho ko’y aking tinatapos.Ngayon, tanda ko ngang kayo’y nagtaguan
habang ako’y kanlong sa isang halaman,
luksang paruparo nang ikaw’y maligaw
ang aking halakhak ay nakabulahaw.
Ang inyong taguan, akala ko’y biro,
kaya ang tawa ko’y abot sa malayo,
ngunit nang ang saya’y tumagos sa puso
sa akin man pala ay nakapagtago.Lumubog ang araw hanggang sa dumilim
giliw kong bulaklak di rin dumarating,
nang kinabukasa’t muling nangulimlim
ay hinanap ko na ang nawalang giliw.Nilipad ko halos ang taas ng langit
at tinalunton ko ang bakas ng ibig,
ang kawikaan ko sa aking pag-alis
kung di ka makita’y di na magbabalik.Sa malaong araw na nilipad-lipad
dito ko natunton ang aking bulaklak,
bukong sa halik ko kaya namukadkad
di ko papayagang mapaibang palad.Luksang Paruparo, kampupot na iyan,
iyan ang langit pag-asa at buhay,
ang unang halik kong katamis-tamisan
sa talulot niya ay nakalarawan.