Alin ang Higit na Mahalagang Taglayin:

ang Dunong, ang Yaman, ang Sipag, o ang Ganda?

Balagtasan nina F.D. Abalos at B. del Valle

INA:

Sa nangalilimping mga panauhin
ako’y nagpupugay nang buong paggiliw;
inihahandog kong taos sa damdamin
itong balagtasang itatanghal namin.

Ang tutungkulin ko’y pagka-lakambini,
ang papel ng inang batis ng pagkasi;
sa isang tahana’y siya ang babae
na sa mga bunso’y tagapagkandili.

Sa bawat sandali, ang laman ng isip
ay ang mga bunsong supling ng pag-ibig;
kanyang inaakay sa dakilang nais,
kanyang hinuhubog sa mabuting hilig.

At pagka’t ako nga’y ina ng tahanan
ang apat kong bunso’y ibig kong tawagan;
sa kanilang labi’y nais kong malaman
ang kanilang hilig at hangad sa buhay.

Ibig kong malama’t lubos na matatap
sa apat na bagay kung alin ang dapat
ang Dunong ng isip, o ang Yamang pilak,
ang Kagandahan ba, o kaya’y ang Sipag?

Aking mga bunso, ngayon ay isulit
ang laman ng inyong puso’t pag-iisip;
pagka’t apat kayo’y ang sa Yamang panig
ang ngayo’y ibig kong unang maulinig.

YAMAN:

Inang ko, kung ako ang pamimiliin,
ay ang yaman na po ang aking kukunin;
kung tayo’y mayaman, ang bawat hilahil
kailanman, inang, ay di-sasaatin.

Sa atin ay hindi dadalaw ang gutom,
hindi mahuhubdan kahit may linggatong;
tayo ay katulad ng punong mayabong,
sa ulan at araw’y may bunga’t may dahon.

Tayo’y matutulad sa bukal ng batis
na dinadaluyang lagi na ng tubig;
sa bayan, sa nayon, o kaya’y sa bukid,
tayo’y maligaya at laging may awit.

Kahit na dumating ang kapighatian
tayo ay hindi na mangangailangan;
tayo ay maraming mga kaibigan,
at kung magtabisi’y hindi magkukulang.

Pages

Learn this Filipino word:

kanluran ng buhay