Alin ang Higit na Mahalagang Taglayin: - Page 5 of 5

ang Dunong, ang Yaman, ang Sipag, o ang Ganda?

Balagtasan nina F.D. Abalos at B. del Valle

GANDA:

Ang Dunong at Sipag, saka ang Salapi
ay mitsa ng buhay ng pangit na budhi;
kapopootan ka’t buhay mo’y iigsi
kapag ang asal mo, ay masamang lagi.

Nguni’t pag maganda ang kaasalan mo,
ang lahat-lahat na’y gagalang sa iyo;
kaya naman lubos ang pananalig ko
na ang Kagandahan ay higit sa mundo.

YAMAN:

Nilikha ng Diyos ang yaman sa lupa
nang upang ang tao’y di-maging kawawa;
sapagka’t ang tao pag laging sagana,
ay di-magtitikim ng pait ng luha…

DUNONG:

Nguni’t nilikha rin itong karunungan
upang itong tao’y matutong mabuhay;
ang yaman sa lupa’y hindi mahuhukay
kung di gagamitin ang katalinuhan.

SIPAG:

Hindi naman ninyo dapat na limutin
na ang kasipagan ay inihabilin;
sinabi ng Diyos: ang inyong kakanin
sa pawis ng iyong mukha manggagaling!

GANDA:

Kung diyan hahangga itong pag-uusap,
itong Kagandaha’y sa Diyos nagbuhat;
ang langit, ang lupa, ang bukid, ang dagat,
masdan at sa ganda ay nagliliwanag…!

LAKAMBINI:

Ngayong marinig ko ang inyong katwiran,
ganito ang aking ibig namang turan;
ang DUNONG, ang GANDA, ang SIPAG, ang YAMAN,
sa buhay ng tao’y pawang kailangan.

Ang mangmang na tao’y daling mapahamak,
sa pangit ang asal, daming lumilibak,
nagiging apihin ang salat sa pilak,
at laging palaboy ang hindi masipag.

Hanggang dito’t ngayo’y tinatapos namin
itong Balagtasang hiniling sa amin;
kung sakaling kayo’y may sukat pulutin,
pulutin ang wasto’t ang mali’y limutin.

Learn this Filipino word:

matáng-manók