Alin ang Higit na Mahalagang Taglayin: - Page 3 of 5
ang Dunong, ang Yaman, ang Sipag, o ang Ganda?
Balagtasan nina F.D. Abalos at B. del Valle
INA: (LAKAMBINI)
Kung kayo’y mayroong ibig ipahayag,
ang tatlong nauna’y aking tinatawag;
ang Dunong at Yaman, gayundin ang Sipag,
sa inyong katwira’y bigyan ng liwanag.
YAMAN:
Ang anumang dunong ay di-matatamo
pag hindi ginamit ang Kayamanan ko;
ang Ganda’y hindi rin gaganda, pag ito,
sa pilak at ginto’y inilayo ninyo.Ang Sipag, gayundin, di-magtatagumpay
pag walang salapi at hungkag ang tiyan;
kung wala kang bigas, palayok at kalan,
ang pagsasaing mo’y di-magagampanan.Sa panahong ito’y buhay ang salapi,
kailangang bilhin pati ang lunggati;
ang damit, pagkain at kubo mang munti,
kapag may pilak ka’y madaling-madali.
DUNONG:
Ang kanyang matuwid ay di-matutumpak,
ang katotohana’y kanyang binaligtad;
ang pilak at ginto kaya lang lumabas,
ay dahil sa Dunong na siyang tumuklas!
Ang Sipag at Ganda’y walang katuturan
kapag sa Dunong ko’y mapapahiwalay;
kahit masipag ka, kung ikaw ay mangmang
ang kamangmangan mo, sa iyo’y papatay.Ang hindi marunong gumamit ng Ganda
ay asahan ninyong lalong papangit pa;
saka ang karikta’y malimit magdala
sa pagkariwara ng puri’t kalul’wa.
SIPAG:
Lalong hindi tumpak ang iyong matuwid,
ang katotohana’y iyong tinumbalik;
ang Yama’y sa Sipag kaya nakakamit,
ang tamad na tao’y siyang laging said.Kahit ka marunong kung ikaw ay tamad,
ikaw’y mamamatay na ang mata’y dilat;
nalalaman mo man kung saan lilipad,
pag di ka kumilos, ikaw ay babagsak.Kung gagawin nama’y laging magpaganda
at masasawi ng pati kaluluwa;
sapagka’t sa takot na marumihan ka,
pati ng paggawa ay tatanggihan na.