Alin ang Higit na Mahalagang Taglayin: - Page 4 of 5

ang Dunong, ang Yaman, ang Sipag, o ang Ganda?

Balagtasan nina F.D. Abalos at B. del Valle

GANDA:

Itong tatlong ito’y pawang nasisinsay
sa kani-kanilang katwira’t palagay;
kayo ba’y mayro’n nang nakitang kariktan
na saan mang dako’y hindi kinalugdan.

Wala ka mang dunong, pag ikaw’y maganda,
ang kagandahan mo’y nagbibigay-sigla;
kung ikaw ay pangit kahit mayaman ka
ay dahil sa yaman, pag ikaw’y sininta.

At kung sa sipag lang kayo mamahalin,
alila’t utusan ang inyong daratnin;
subali’t pag kayo’y may kariktang angkin,
kahit saang dako, kayo’y sasambahin.

YAMAN:

Nguni’t ang mayaman at hindi hikahos
saan man dumating ay di-kinakapos:
ang dukhang-marunong ay utusang lubos
ng kahit na mangmang ay di naman dahop.

Ang masipag nama’y mauutusan din
at ang kagandahan ay kaya ring bilhin;
Anupa’t ang yaman, saan man dumating,
kahit saang dako’y papanginoorin.

DUNONG:

Ang isang mayama’y laging nagtatanong
ng kanyang gagawin sa pantas at sulong!
Ako’y sanggunian saan man pumaro’n,
at sa inyong lahat ay handang magtanggol!

Ang Sipag ay usok pag ako’y nawala,
at ang Ganda nama’y babasaging bula;
ang Yaman ay yagit ang makakamukha
kapag ang may-ari’y mangmang at tulala.

SIPAG:

Sukat nang ang tao’y may Sipag na angkin,
ay di-mabibigo sa bawat gagawin;
ang Dunong ay isang bingaw na patalim
kapag itong Sipag ay di-gagamitin.

At ang Yaman nama’y mauubos agad
sa tamad na tao, batugan, bulagsak;
pati kagandaha’y malalantang ganap
kapag ang sino ma’y nanatiling tamad.

Learn this Filipino word:

nábukó