Alin ang Higit na Mahalagang Taglayin: - Page 2 of 5

ang Dunong, ang Yaman, ang Sipag, o ang Ganda?

Balagtasan nina F.D. Abalos at B. del Valle

DUNONG:

Sa akin po naman, ang ibig ko’y dunong,
ito po’y puhunang hindi natatapon;
ito kahit saa’y aking mababaon,
at di-mananakaw hanggang sa kabaong.

Mag-isa man ako, saan man sumapit;
ang dunong ay aking laging magagamit;
paano’y taglay ko sa sariling isip,
hindi mauubos, hindi mapupunit.

Sa piling ng aking mga kapwa-tao,
ako’y maaaring makapanagano;
ang aking sarili’y maiwawasto ko
at matutulungan ang kahit na sino

Hindi nanganganib na ito’y pumanaw
samantalang ako’y may diwa’t may buhay;
ako’y nangunguna, saan mang lipunan,
ako’y itatangi, ako’y igagalang.

SIPAG:

Naiiba naman, yaring aking nais,
pagka’t kasipagan ang lagi kong ibig;
ang taong masipag, saan man sumapit
ay di-magugutom, hindi mananangis.

Ang taong masipag saan man tumungo
maluwag ang buhay at makapwa-tao;
paano’y karamay ng kahit na sino
kasama sa tuwa’t sa dusa’y kasalo.

Ang awa ng Diyos sa lupa’y laganap,
may buhay sa bukid, may buhay sa dagat;
sa bayan at nayon ay di maghihirap
ang kahit na sinong may puhunang sipag.

GANDA:

Ako nama’y iba ang paniniwala,
nasa kagandahan ang lalong dakila;
sapagka’t ang ganda’y galing kay Bathala
ligaya ng tao sa balat ng lupa.

Ang ano mang bagay kailanma’t pangit
sa tao’t sa Diyos ay nakabubuwisit;
nguni’t sa maganda at kaakit-akit
nasisiyahan kang tumanaw, lumapit.

Ang ganda ay isang magandang puhunan
sa pakikisama’t pagkakaibigan;
subali’t ang pangit, sa iyong pagtulog
ay nagiging sanhi ng iyong bangungot.

Learn this Filipino word:

pamatíd-uhaw