Bulaklak ng Kalinisan - Page 8 of 10

BUBUYOG:

Dadayain ka nga’t taksil kang talaga
at sa mga daho’y nagtatago ka pa.

PARUPARO:

Kung ako’y dinaya’t ikaw ang tatawa
sa taglay kong bulo nilason na kita.

BUBUYOG:

Pagka’t ikaw’y taksil, akin ang kampupot.

PARUPARO:

Nakakamali ka, hibang na bubuyog.

BUBUYOG:

Siya’y bulaklak ko sa tabi ng bakod.

PARUPARO:

Bulaklak nga siya’t ako’y kanyang uod.

LAKANDIWA:

Tigil na Bubuyog, tigil Paruparo,
inyo nang wakasan iyang pagtatalo;
yamang di-malaman ang may-ari nito,
kampupot na iya’y paghatian ninyo.

BUBUYOG:

Kapag hahatiin ang aking bulaklak
sa kay Paruparo’y ibigay nang lahat;
ibig ko pang ako’y magtiis ng hirap
kaysa ang talulot niya ang malagas.

PARUPARO:

Kung hahatiin po’y ayoko rin naman
pagka’t pati ako’y kusang mamamatay;
kabiyak na kampupot, aanhin ko iyan
o buo o wala nguni’t akin lamang.

LAKANDIWA:

Maging si Solomong kilabot sa dunong
dito’y masisira sa gawang paghatol;
kapwa nagnanasa, kapwa naghahabol,
ngunit kung hatii’y kapwa tumututol.

Ipahintulot pong sa mutyang narito
na siyang kampupot sabihin kung sino,
kung sino ang kanyang binigyan ng oo,
o kung si Bubuyog, o si Paruparo.

Learn this Filipino word:

balitang kutsero