Alamat ng Tinagong Dagat
ni Sol Doronila Penuela
(Ang Interpretasyon)
Pabatid
Ang iskrip na matatagpuan sa mga susunod na pahina ay isang deribasyon o halaw sa panulat ng may-akda sa librong "Wika: Tungo sa Pambansang Pagkakilanlan," taon 1977.
May isang tauhang nilikha sa binagong iskrip sa katauhan ni Labtik. Siya ang papapel na kontrabida sa alamat upang lalong aangat ang pwersa ng mga eksena sa entablado. Naglikha rin ng mga karagdagang saknong ang may-akda upang higit na mabigyang buhay at kulay ang katauhan ni Labtik.
Mga Tauhan
Nagong pangunahing tauhang lalaki
Agat kasintahan ni Nagong
Ama mabagsik na ama ni Agat
Labtik kontrabida
Mga kaibigan mga suporta ni Nagong
Mga alagad mga tauhan ng Ama
Koro 30 kalahok
Kasuotan
Lalaki tapis, bandana, katutubong kuwintas
Babae malong, katutubong kuwintas
Koro puting pantalon, tie-dyed T-shirt na asul, may latex na pinturang puti ang kalahating mukha at braso
Haba ng pagtatanghal 1 oras at 20 minuto
Uri ng pagtatanghal madula
Interpretasyon
(Pagbukas ng entablado, kulimlim ang ilaw. Ang koro'y nakatayo sa isang aisle mula sa likurang bahagi ng mga manonood. Nakatungo ang ulo. Sa unang patik ng kawayan, aakyat ang koro sa entablado. Bubuo ang koro ng parang dalawang bundok na pormasyon. Muling papatik ang kawayan at paunti-unting iilawan ang tanghalan hanggang sa mabuksan ang lahat ng ilaw. Muling kukulimlim ang ilaw at tutuon ang spotlight sa mga soloista.)
Soloista 1: Sa isang pulo na ang ngalan ay Panay//
Mga tao roo'y/ sagana ang buhay//
Sipag at tiyaga/ ang kanilang taglay
Pararangalan namin sa aming salaysay///
(Dahan-dahang itataas ang ulo. Sa kanya popokus ang spotlight. Magkukuwento sa mga manonood na natural ang ekspresyon ng mukha ayon sa salitang binigkas.)
Soloista 2: Lalawigan ng Iloilo at ng Capiz//
Nasasakupan nitong pulong walang kaparis//
Ang alamat at ganda'y kanais-nais//
Ang angking kayamana'y walang kawangis//
(Lilipat sa kanya ang spotlight. Malaya siyang hahakbang at may pagmamalaki ang matatag na tinig.)
Soloista 3: Sa isang bayang sakop ng Iloilo//
May isang alamat na ilalahad ko//
Ito'y kawili-wili't ipinaaabot ko//
Tinitiyak ko ring magugustuhang ninyo//
(Sa kanya iilaw ang spotlight. Tatayo sa gitnang bahagi ng entablado. Masaya, nakangiti, sigurado siyang magugustuhan ng audience ang palabas. Babalik ang mga soloista sa puwesto.)
Koro: Kaya pwede bang kami'y palakpakan?///
Salamat mga bata/ matanda/ binata't kadalagahan///
Isang kwento kayo'y aming kukwentuhan
Tinagong Dagat//
Tinagong Dagat///
Tinagong Dagat///
Tinagong Dagat///
Anong pinagmulan?///