Ang Aking Bandila

ni Cirio H. Panganiban

(Sabayang Pagbigkas)

Palibhasa'y Mutyang anak ng Liwanag,
Ang Ina kong Lupa'y tampulan ng dagat.
Sa Dulong Silanga'y pulo ng pangarap,

Binasag ng alon kaya sumambulat.
Subalit gayon man, sa Kapuluan ko'y Diyos ang may hawak,
Buo ang damdamin, iisa ang diwa't isa ang Watawat.

Ang aking Bandila ay may tatlong kulay;
May kulay ng dugo, pagkat katapangan;
May kulay ng langit, pagkat kabanalan;
May kulay ng bulak, pagkat kalinisan.

Subalit ang lalong maningning na hiyas na kanyang dampulay
Ay magkakapatid na tatlong Bituin at ang isang Araw.

Ang bandilang ito'y nilamay sa dusa.
Napigta sa luha ng maraming ina.
Saka nang mayari, kamay ni Ibarra
Ang sa himagsikan ay siyang nagdala.

Sinundan ni Elyas, at ang buong baya'y nuha ng sandata
At sila'y nagbangon ng unang paglaya at pagkakaisa.

Mahinang sandata't marupok na bisig
Dahil sa Bandila'y nakapananaig.
Ang isang bayani, o isang panitik,
Dahil sa Bandila'y may tula, o bagwis;

Makata't bayani'y aawit ng Laya, hahanap ng langit.
Kung Langit ay wala, Tabak na ang lunas sa dusa't hinagpis!

Nang minsang ibawal ang aking Bandila
Siya'y hinagkan kong nanatak ang luha,
Wika ko sa akin: Ang naglahong tala,
Lalo pang maningning pagsilay ng lupa

Ngayong siya'y muling iladlad sa tagdan at maging malaya,
Sandata't pag-ibig ang kanyang tanggulang hindi masisira.

Sa bayan at nayon, sa bundok at parang,
Sa himpapawirin at sa karagatan,
Ang aking Bandila ay iwawagayway.
Sa tuwing umaga'y hahagkan ng Araw,

At sa aking kuta siya ay hindi na muling maaagaw,
Pagkat magtatanggol pati na ang aking tatanod na bangkay!

Learn this Filipino word:

hináhabagat