Ibong Adarna - Page 3 of 47
(Original Text in Ancient Tagalog)
45. Ang daho'i, sacdal nang inam
para-parang cumiquinang,
diamante'i, siyang cabagay
sa mata'i, nacasisilao.
46. Ang naisipan nga niya
sa loob at ala-ala,
doon na tumiguil bagá
itong príncipeng masiglá.
47. Ang nasoc sa calooban
ang cahoy na ito'i, siyang
marahil hinahapunan
nang ibong cong pinag-lacbay.
48. Ay ano'i, nang gagabi na
ang Arao ay lulubóg na,
madláng ibo'i, narito na
at manga cauan ang ibá.
49. Sa gayóng daming nagdaan
ualang dumápo isa man,
naguló ang gunam-gunam
nitong príncipeng timtiman.
50. Ganitong diquit na cahoy
ualáng ibong humahapon,
aco'i, dito nalingatong
paghihintay cong malaon.
51. Ang nasoc sa ala-ala
sa loob niyang mag-isá,
ang siya ay magpahingá
at búcas lumacad siya.
52. Humilig nanga't, sumandal
doon sa cahoy na mahal,
sa malaquing capaguran
siya'i, tambing nagulaylay.
53. Ay ano'i, nang tahimic na
ang gabí ay lumalim na,
siya nangang pagdating na
niyong ibong encantada.
54. Dumapo na siyang agad
sa cahoy na Piedras Platás,
balahibo ay nangulág
pinalitán niyang agad.
55. At capagdaca'i, nagcantá
itong ibong encantada,
ang tinig ay sabihin pa
tantong caliga-ligaya.
56. Ang príncipe ay hindi na
nacaringig nang pagcantá,
pagtúlog ay sabihin pa
himbing na ualang capara.
57. Ang sa ibong ugali na
cun matapos na magcantá,
ay siyang pag-táe niya
at matutulog pagdaca.
58. Sa masamáng capalaran
ang príncipe'i, natai-an,
ay naguing bató ngang tunay
ang catauan niyang mahal.
59. Di anong magágaua pa
nang siya'i, maguing bató na,
paghihintay sabihin pa
nang haring caniyang amá.
60. At nang maguing isang-taon na
hindi dumarating bagá,
inutusan capagdaca
si don Diegong pangalauá.
61. Sumunód at di sumuay
sa hari niyang magulang,
iguinayác capagcuan
cabayo niyang sasac-yán.
62. Pagca-handa'i, lumacad na
cabunducan ang tinumpá,
at hahanapin nga niya
ang bunying ibong Adarna.
63. Mahiguit sa limang buan
nag-lacad niya sa párang,
hindi naman maalaman
ang Tabor na cabunducan.
64. Nang siya ay dumating na,
sa daan na pasalunga,
nagtuloy at umahon na
itong príncipeng masiglá.
65. Sa masamáng capalaran
nang dumating sa ibabao,
nabual nanga't, namatay
ang cabayong sinasac-yán.
66. Di anong magagaua pa
sa cabayong namatay na,
ang báon niya'i, quinuha
at lumacad capagdaca.