Dalawang Pabulang Silanganin - Page 6 of 7

(Isinalin sa Tagalog ni Federico B. Sebastion mula sa “Two Eastern Fables” ni Dr. José Rizal)

Tagalog version

Sa mga sumusunod, ay mapapansin ang malapit na pagkakahawig ng dalawang pabula hanggang sa sumapit sa bahaging ang alimango’y tumakas at pumasok sa kaniyang lungga.  

Sa kuwentong Pilipino, ang paghihiganti ng pagong kahit na may kaunting kamulalaan ay nagpapakilala ng una’t pambihirang pamamaraan, may matutulis na susó, samantalang sa kuwentong Hapon ay may bakas ng lalong maunlad na kalagayan ng kapisanan, gaya ng digmaan ng mga alimango at mga matsing.  Ang lupon sa digma na idinaos sa lungga ng mga alimango ay kahanga-hanga.  Ang pagtulong ng lusóng, halo, bubuyog at ng itlog sa napopoot na mga alimango ay nagpapatunay sa atin ng malayang kaisipan ng mga Hapon.  Hindi lamang ang may buhay na mga bagay ang nagsisipagsalita, nagbibigay ng payo, dumaramdam at kumikilos na gaya ng iba gayon din ang mga bagay na walang buhay.

Una’y hinihiling ng lahat ang pakikipagkasundo ng mga alimango; at saka inamuki nila ang hari ng mga matsing na mag-isang pumasok sa kanilang lungga…

Ang bahaging ito ay tila isiningit ng ilang di-matalinong mananalaysay upang mabigyang-daan marahil ang kaibigan ng alimangong makapaghiganti.  Kung ang mga matsing ay talagang higit na malakas kaysa mga alimangong nagnanais ng kapayapaan, ang bagay na ito’y hindi makapag-uudyok sa hari na pumasok sa lungga nang walang kasama, yamang siya nama’y hindi pinilit ng isang lalong malakas na kalaban; ngunit ang mangyayari’y tutungo ang mga alimango sa mga matsing upang makipagkasundo.  Gayon din ang masasabi sa mga itlog na pumutok sa ilalim ng abo upang pasuin ang bisig ng matsing.  Ang bahaging ito ay maaaring idinagdag lamang pagkarating sa Hapon ng mapaglakbay na mga tao; datapuwa’t ang hibashi’y matatagpuan lamang sa mga bansang malalamig.  Ang paraan ng pagkakawakas sa kuwento ng Hapon ay may kagusutan, samantalang ang kuwentong Pilipino’y malinaw at nagpapakilala ng maingat na pagmamasid ng ugali’t pakiramdam.  Ang matsing na kunwa’y may magandang-loob ay naglalahad ng isang mabigat na suliranin sa pagong : mamatay na binabayo sa lusóng o lunurin sa ilog.  Nalaman ng matalas ngunit di-masamang pagong, ang tunay at masamang balak ng matsing.  Dinaig ng pagong ang matsing sa pamamagitan ng matalinong pamimili :  ang pagpili sa lusóng.  Nagpatuloy ang matsing sa kaniyang masamang gawa hanggang sa huli, di tinupad ang kaniyang ipinangako at itinapon ang pagong sa tubig.  Taglay hanggang sa katapusan ang kasiglahan sa kuwento.  Sa dalawang kuwento’y mapapansin ito : ang walang katapusang labanan ng mahihina’t malalakas.  Nasa-kuwentong Pilipino ang katalasan ng isip at kalinawan ng pagsasalaysay, samantalang sa kuwentong Hapon naman ay naroon ang kaunlara’t kabihasnan.

Learn this Filipino word:

buhay-alamáng