Dalawang Pabulang Silanganin - Page 4 of 7

(Isinalin sa Tagalog ni Federico B. Sebastion mula sa “Two Eastern Fables” ni Dr. José Rizal)

Tagalog version

Una’y hiniling ng mga nagsidalo ang pakikipagkasundo ng mga alimango; inamuki nila ang hari ng mga matsing na mag-isang pumasok sa kanilang lungga at saka pinaupo sa lupa.  Walang ano mang paghihinala ang matsing.  Kinuha nito ang hibashi[3] upang paningasin ang tila nag-aantok na apoy nang biglang pumutok ang itlog na nakatago sa abo at pinaso ang bisig ng matsing.  Nabigla’t natakot ang matsing kaya buong pagmamadaling inilubog ang kaniyang bisig sa lalagyan ng atsara upang agad maalis ang kirot ng napasong bisig.  Biglang lumabas ang bubuyog at sinigid ang mukha ng matsing na noo’y basang-basa na sa luha.  Hindi na nakuhang paalisin ang bubuyog sa mukha, umuungal na tumakbo ang matsing na patungo sa pintong panlabas, ngunit siyang pagpupulupot sa kaniyang mga binti ng mga damong-dagat na siya niyang ikinarapa.  

Buhat sa mataas na kinalalagyan ay binagsakan siya ng halo.  Tumalon ang lusóng sa bubong at pinagulungan siya.  Nabalian ang likod ng matsing, nawalan siya ng lakas, at hindi nakatindig.  Pagkatapos ay nagsilabas ang maraming alimangong nangagtaas ang mga panipit, at saka sinipit siya hanggang sa magkahiwa-hiwalay ang kaniyang katawan.

Hindi mapag-aalinlanganang sabihin na ang dalawang pabulang ito, kahit magkaiba ng wakas ay may isang pinagmulan, o kung dili kaya’y kapupunan ng isa ang isa.  Ang matsing sa dalawang pabulang ito’y gumaganap ng isang papel – masakim, magaspang, balakyot at mapaghiganti; ang sa Hapong puno ng kaki ay siyang punong saging sa Pilipinas, madaling tumubo at mamunga kaysa ibang mga punongkahoy.  Maraming mga pagkakatulad ang alimango at ang pagong, at mayroon ding binabanggit na lusóng.  Alin ang matanda sa dalawang kuwentong ito?  Alin ang una at saan nanggaling ang bawat isa?

Isang maingat na pagsusuri at pagtutulad ang magtuturo sa atin na ang tunay na buod ng dalawang kuwento’y galing sa Timog… sa Sumatra, Haba, Mindanaw o kung dili naman kaya’y sa Kapuluang Pilipinas, at pagkatapos ay dinala ng mga tao o lahing lumipat sa gawing Hilaga upang manirahan sa mga Pulo ng Hapon at Riu-kiu.  Samantala’y nagkaroon ng karagdagan at pagbabago ayon sa klima at kaugalian ng iba’t-ibang bansa.  May isang matandang kuwento ng isang bayaning Hapon, na sa akala ko’y tinatawag na Timotenho na dapat magbuhat sa mga Pulong Timog na iyon.  Ang nauukol sa pinagmulang Malayo ng mga Hapon ay nararapat ang bukod na pag-aaral.

[3] Sipit sa kalan.

Learn this Filipino word:

pampalubag-loób