Dalawang Pabulang Silanganin - Page 3 of 7

(Isinalin sa Tagalog ni Federico B. Sebastion mula sa “Two Eastern Fables” ni Dr. José Rizal)

Tagalog version

Ito ang kuwentong Pilipino ng matsing at ng pagong.  Ang pabulang Hapon, Saru kani kassen, o ang labanan ng matsing at ng alimango, na inilathala ng Kobunsha sa Tokyo ay ang sumusunod :

Isang matsing at isang alimango ang nagkatagpo samantalang lumiligid sa isang bundok.

Hawak ng matsing ang napulot na buto ng kaki[1] at ang alimango naman ay may isang pirasong tinapay.[2]  Nakita ng matsing ang pagkain ng alimango at sa kaniyang kasakiman ay agad nagwika : Ipagpalit mo na nga ang iyong pagkain sa aking buto ng kaki.  Walang sinabi anuman ang alimango nang ibigay ang kaniyang pagkain sa matsing.  Kinuha niya ang buto ng kaki at saka itinanim ito.  Madaling tumubo ang buto hanggang sa maging isang mataas na punongkahoy.  Nahitik ito sa dami ng bunga, ngunit ang alimango’y hindi makaakyat.  Pinakiusapan niya ang matsing na siyang umakyat at mamitas ng mga bunga.  Umakyat ang matsing at sa isang sanga ng punongkahoy at sinimulan niyang kanin ang mga bunga ng kaki.  Ipinukol niya sa alimango ang mga hilaw na bunga samantalang ang mabubuti at mga hinog ay kaniyang kinain.  Nabasag ang talukap ng alimango sa tama ng pukol ng matsing.  Sa kabutihang palad, ang alimango’y nakatakas pa rin at nakapasok sa lungga.  Dito’y buong paghihinagpis na nahiga siya, masakit ang katawan at hindi makabangon.  Nangagalit ang mga kamag-anak at kasambahay ng alimango nang malaman ang nangyari.  Nagpahayag sila ng pakikidigma at nilusob ang mga matsing.  Ang matsing ay maraming mga kasamang nagsisagupa sa mga kalaban.  Nakita ng mga alimangong hindi sapat ang kanilang lakas sa lakas ng mga kaaway.  Lalo silang nangapoot.  Nangagsiurong sa lungga at nagdaos ng isang tanging pulong upang pag-usapan ang pakikilaban.  Dumating ang lusóng, halo, bubuyog at ang itlog.  Samasama silang naglahad ng mabuting balak sa paghihiganti.

[1] Ang bunga ng kaki ay kasinlaki ng tsiko, may butong katulad din nito ngunit mamula-mula lamang ang kulay.

[2] Ito’y giniling na bigas, pinaaasuhan at saka iniluluto sa isang tanging lutuan.

Learn this Filipino word:

nábuká sa bibíg