Ibong Adarna - Page 11 of 47
(Original Text in Ancient Tagalog)
221. Nang dumating nga siya
sa palacio'i, nagtuloy na,
sa haráp nang haring amá
at lumuhód capagdaca.
222. Ang hari'i, di macagalao
sa catre niyang hihigan,
at di naquiquilalang tunay
ang anác na minamahal.
223. Ay sa uala ring magbadyá
na magsabi sa caniya,
ang ibong na sa jaula
ay nangusap capagdaca.
224. Namayagpág at naghusay
nag-linis na nang catauán,
balahibo'i, pinalitao
anaquin ay guintong tunay.
225. At nagcantá nang ganitó
abá haring don Fernando,
quilalanin mo ngang totoó
ang naninicluhod sa iyo.
226. Iyan ang bunsó mong anác
si don Juan ang pamagát,
na nagdalita nang hirap
sa utos mo ay tumupad.
227. Yaong anác mong dalaua
na inutusang nauna,
anoma'i, ualang nacuha
at sila'i, naguing bató pa.
228. Nang ito ay masabi na
tumaha't, nagbago muna,
balahibong icalauá
na mariquit sa nauna.
229. Saca muling nagpahayág
abá haring sacdal dilág,
paquingán di man dapat
yaong cay don Juang hirap.
230. Ang bunsóng anác monghirang
nagtiis nang cahirapan,
at siyang nag-alís naman
batóng balot sa catauan.
231. Nang masabi nanga itó
naghaliling panibago,
nang balahibong icatló
na capua esmaltado.
232. At nag-uica nang ganito
mahal na hari'i, dinguin mo,
nagsi-oui silang tatló
sa bahay nang ermitaño.
233. Sila nga ay piniguing pa
pinacain sa lamesa,
pinangaralan pa sila
anác ang siyang capara.
234. Nang ito'i, maipahayag
naghalili namang agád,
nang balahibong icaapat
diamante'i, siyang catulad.
235. Nang macacain na naman
itong ermitañong mahal,
madlang sugat ni don Juan
pinagaling niyang tanan.
236. Nang ito'i, masabi na
tumaha't, naghalili pa,
balahibong icalimá
cahalimbaua'i, tumbaga.
237. Nangsila'i lumacad naman
sa bundóc at caparangan,
si don Pedro ay nagsaysay
na patayin si don Juan.
238. Si don Diego'i, sumansala
yao'i, masamang acala,
sa búhay na mauauala
ni don Juang ating mutya.
239. Nang ito'i, maipagturing
nitong ibong nagniningning,
naghalili siyang tambing
balahibong icaanim.
240. Ito'i, lalong cariquitan
sa icalimang nagdaan,
mahal na hari paquingán
cay don Juang cahirapan.
241. Ay ang pinagcaisahan
ng dalauang tampalasan,
ay umuguin ang catauan
sa guitna nang caparangan.
242. Nang hindi macagalao
ang príncipeng si don Juan,
capagdaca ay iniuan
aco'i, canilang tinagláy.