Ibong Adarna - Page 12 of 47
(Original Text in Ancient Tagalog)
243. Nang masabi nanga itó
naghaliling panibago
balahibong icapitó
na anaqui ay carbungco.
244. Ito'i, siyang catapusán
mahal na hari'i, paquingán,
pinagdaanang cahirapan
nang bunsó mong si don Juan.
245. Sa malaquing auang lubós
nang Vírgeng Iná nang Dios,
isang matanda'i, dumulóg
at siya'i, tambing guinamót.
246. Hinipo na ang catauán
at pinag-ayos ang lagay,
nacatindig na mahusay
itong príncipeng si don Juan.
247. Caya co di ipaquita
ang mariquit na hichura,
ay hindi dumarating pa
ang sa aquin ay cumuha.
248. Ang isa pa haring mahal
ang anác mong si don Juan,
siya mo pong pamanahan
nitong iyong caharian.
249. Nang ito'i, masabi na
nitóng ibong encantada,
tumahán na nang pagcantá
hindi na naringig niya.
250. Ang saquít na dinaramdam
nang haring aquing tinuran,
parang nagdahilán lamang
at gumaling ang catauán.
251. Ang haring si don Fernando
tinipon na ang consejo,
at pinaghuntahan dito
si don Pedro't, si don Diego.
252. Sa guinauang caliluhán
sa capatid nilang hirang,
cun ano ang catampatang
parusang dapat ibigay.
253. Ang sagot nang calahatán
destierro'i, ang carampatan,
nang huag silang mapisan
sa príncipeng cay don Juan.
254. Nang cay don Juang matatap
ang hatol na iguinauad,
siya ay nagdalang habág
sa capatid niyang liyág.
255. Lumapit capagcaraca
sa harap nang haring amá,
dinguin nang vuestra alteza
ang aquing ipagbabadyá.
256. Alang alang sa corona
at hauac na cetro niya,
huag nang biguiang parusa
ang capatid cong dalauá.
257. Cun sila'i, ipadalá man
sa malayong caharian,
di co mababatang tunay
na hindi paroroonan.
258. Caya haring aming amá
patauarin na po sila,
sa Dios ito'i, talagá
ang guinaua nilang sala.
259. Ang di magpatauad naman
sa guinauáng casalanan,
ay di rin naman cacamtán
ang gloria sa calangitán.
260. Nang sa haring maunaua
yaóng cay don Juang uica,
pinatauad alipala
yaóng dalauang cuhilá.
261. Nagsamang nuling mahusay
doon sa palacio real,
ang hari nag-uica naman
sa tatlóng anác na hirang.
262. Cayong tatló'i, halinhinan
sa ibong co'i, magbabantay,
ang magpaualáng sino man
macacapalit ang búhay.
263. Sa cahabaan nang arao
nang canilang pagbabantay,
di mauala sa gunam-gunam
cay don Pedrong cainguitan.
264. Ang guinaua nilang laláng
ang dalaua'i, magsasabáy,
saca hahalili naman
ang príncipeng si don Juan.