Artikulo VII: - Page 5 of 6

Ang Kagawarang Tagapagpaganap

(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas)

Seksyon 18

Dapat maging Commander-in-Chief ng lahat ng mga sandatahang lakas ng Pilipinas ang Pangulo at, kailanma't kakailanganin, maaari niyang atasan ang nasabing mga sandatahang lakas na pigilin o sugpuin ang labag sa batas na karahasan, pananalakay, o paghihimagsik.  Kung sakaling may pananalakay o paghihimagsik, kapag kakailanganin ng kaligtasang pambayan, maaaring suspindihin niya, nang hindi hihigit sa animnapung araw, ang pribilehiyo ng writ of habeas corpus o ipailalim sa batas militar ang Pilipinas o ang alin mang bahagi nito.  Sa loob ng apatnapu't walong oras ng pagkapahayag ng batas militar o pagkasuspindi ng pribilehiyo ng writ of habeas corpus, ang Pangulo ay dapat magharap ng personal o nakasulat na ulat sa Kongreso.  Maaaring pawalang-saysay ng Kongreso, sa magkasamang pagboto, sa pamamagitan ng boto ng mayorya man lamang ng lahat ng mga Kagawad nito sa regular o tanging sesyon, ang nasabing pagkapahayag o pagkasuspindi, na hindi dapat isaisantabi ng Pangulo ang pagpapawalang-saysay na iyon.  Sa pagkukusa ng Pangulo, maaaring palawigin ng Kongreso sa katulad na paraan ang nasabing pagkapahayag o pagkasuspindi sa loob ng panahong itatakda ng Kongreso kung magpapatuloy ang pananalakay o paghihimagsik at kakailanganin ng kaligtasang pambayan.

Ang Kongreso, kung walang sesyon, ay dapat magsimula ng pagpupulong sa loob ng dalawampu't apat na oras kasunod ng nasabing pagpapahayag o pagsuspindi, alinsunod sa mga alituntunin nito na hindi na nangangailangang itawag.

Maaaring ribyuhin ng Kataastaasang Hukuman, sa isang nararapat na prosiding na iniharap ng sino mang mamamayan, ang kasapatan ng pinagbatayang pangyayari sa pagpapahayag ng batas militar o pagsususpindi ng pribilehiyo ng writ o pagpapalawig niyon at kinakailangang maglagda ng pasya nito tungkol doon sa loob ng tatlumpung araw mula sa pagkaharap nito.

Ang kalagayang batas militar ay hindi sumususpindi sa pag-iral ng Konstitusyon, ni hindi pumapalit sa panunungkulan ng mga hukumang sibil o mga kapulungang tagapagbatas, ni hindi nagpapahintulot sa pagbibigay sa mga sangay at hukumang militar ng hurisdiksyon sa mga sibilyan kung ang mga hukumang sibil ay nakapanunungkulan, ni hindi kusang nagsususpindi sa pribilehiyo ng writ.

Ang pagsupindi sa pribilehiyo ng writ ay dapat sumaklaw lamang sa mga taong isinakdal sa hukuman ng paghihimagsik o ng mga pagkakasalang likas o tuwirang kaugnay sa pananalakay.

Sa panahong suspindido ang pribilehiyo ng writ, ang sino mang tao na dinakip o ipiniit sa gayon ay dapat ipagsakdal sa hukuman sa loob ng tatlong araw, kung hindi ay dapat siyang palayain.

Seksyon 19

Maliban sa mga kaso ng impeachment, o sa naiiba pang itinatadhana sa Konstitusyong ito, ang Pangulo ay maaaring magkaloob ng mga palugit, pagpapagaan ng parusa, at patawad, at maaaring magpawalang-saysay ng mga multa at pagsamsam, pagkalagda ng pangwakas na hatol.

Dapat din na magkaroon siya ng kapangyarihang magkaloob ng amnesti sa pagsang-ayon ng mayorya ng lahat ng kagawad ng Kongreso.

Seksyon 20

Maaaring makipagkontrata o gumarantiya ang Pangulo ng mga pag-utang sa labas ng bansa sa kapakanan ng Republika ng Pilipinas na may pagsang-ayon muna ng Monetary Board, at sasailalim ng mga katakdaang maaaring itadhana ng batas.  Ang Monetary Board ay dapat magharap sa Kongreso, sa loob ng tatlumpung araw mula sa pagtatapos ng bawat kwarter ng taong pangkalendaryo, ng buong ulat ng mga pasya nito tungkol sa mga aplikasyon sa mga pag-utang na kokontratahin o gagarantyahan ng Pamahalaan o ng mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan na makapagpapalaki sa pagkakautang sa isang bansa, at naglalaman ng iba pang mga bagay-bagay na maaaring itadhana ng batas.

Seksyon 21

Hindi dapat maging balido at maybisa ang ano mang kasunduang-bansa o kasunduang internasyonal nang walang pagsang-ayon ng dawalang-katlo man lamang ng lahat ng mga Kagawad ng Senado.

Learn this Filipino word:

hamóg sa tag-araw