Artikulo VII: - Page 2 of 6

Ang Kagawarang Tagapagpaganap

(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas)

Seksyon 5

Bago magsimula sa pagtupad ng kanilang katungkulan, ang Pangulo, ang Pangalawang Pangulo, o ang Nanunungkulang Pangulo ay dapat magsagawa ng sumusunod na panunumpa o pagpapatotoo:

Mataimtim kong pinanunumpaan (o pinatototohanan) na tutuparin ko nang buong katapatan at sigasig ang aking mga tungkulin bilang Pangulo (o Pangalawang Pangulo o Nanunungkulang Pangulo) ng Pilipinas, pangangalagaan at ipagtatanggol ang kanyang Konstitusyon, ipatutupad ang mga batas nito, magiging makatarungan sa bawat tao, at itatalaga ang aking sarili sa paglilingkod sa Bansa.  Kasihan nawa ako ng Diyos. (Kapag pagpapatotoo, ang huling pangungusap ay kakaltasin.)

Seksyon 6

Ang Pangulo ay dapat magkaroon ng isang tirahang opisyal.  Ang mga sahod ng Pangulo at Pangalawang Pangulo ay dapat itakda ng batas at hindi dapat bawasan sa panahon ng kanilang panunungkulan.  Hindi dapat magkabisa ang ano mang dagdag sa naturang sahod hanggang sa pagkatapos ng taning ng nanunungkulan na sa panahon ng kanyang panunungkulan pinagtibay ang gayong dagdag.  Hindi sila dapat tumanggap sa panahon ng kanilang panunungkulan ng ano mang iba pang sweldo mula sa Pamahalaan o sa ano mang iba pang mapagkukunan.

Seksyon 7

Ang halal ng Pangulo at ang halal na Pangalawang Pangulo ay dapat manungkulan sa pagsisimula ng kanilang mga taning na panahon.

Kung ang halal na Pangulo ay hindi maging marapat sa tungkulin, ang halal na Pangalawang Pangulo ay dapat gumanap na Pangulo hanggang sa maging marapat ang halal na Pangulo.

Kung mangyari na hindi nakapili ng isang Pangulo, ang halal na Pangalawang Pangulo ay dapat gumanap na Pangulo hanggang sa makapili at maging marapat ang isang Pangulo.

Kung sa pagsisimula ng panahon ng panunungkulan ng Pangulo ay namatay o pamalagiang nabalda ang halal na Pangulo, ang halal na Pangalawang Pangulo ay dapat maging Pangulo.

Sakaling hindi nakapili o hindi naging marapat ang isang Pangulo at Pangalawang Pangulo, o sakaling sila ay kapwa namatay o pamalagiang nabalda, ang Pangulo ng Senado o, kung hindi nito kaya, ang Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan, ay dapat gumanap na Pangulo hanggang makapili at maging marapat ang isang Pangulo o isang Pangalawang Pangulo.

Dapat magtakda sa pamamagitan ng batas ang Kongreso para sa pagpili ng isang tao na manunungkulang Pangulo hanggang sa maging kwalipikado ang isang Pangulo o isang Pangawalang Pangulo, kung mangyari ang pagkamatay, pamalagiang pagkabalda, o kawalang-kaya ng mga opisyal na tinutukoy sa sinundang talataan.

Seksyon 8

Kung mangyari ang pamalagiang pagkabalda, pagkamatay, pagkaalis sa katungkulan o pagbibitiw ng Pangulo, ang Pangawalang Pangulo ay dapat maging Pangulo na manunungkulan para sa di-natapos na bahagi ng taning ng panahon ng panunungkulan.  Kung mangyari ang pamalagiang pagkabalda, pagkamatay, pagkakaalis sa katungkulan o pagbibitiw ng Pangulo at Pangalawang Pangulo, ang Pangulo ng Senado o, kung hindi nito kaya, ang Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang dapat gumanap kung gayon na Pangulo hanggang sa mahalal at maging marapat ang Pangulo o ang Pangalawang Pangulo.

Dapat magtakda sa pamamagitan ng batas ang Kongreso kung sino ang maglilingkod na Pangulo kung mangyari ang pagkamatay, pamalagiang pagkabalda, o pagbibitiw ng Nanunungkulang Pangulo.  Siya ay dapat na maglingkod hanggang sa ang Pangulo o Pangalawang Pangulo ay mahalal at maging marapat, at dapat sumailalim sa katularing mga katakdaan ng mga kapangyarihan at diskwalipikasyong katulad ng sa Nanunungkulang Pangulo.

Learn this Filipino word:

alimuom