Artikulo VII:

Ang Kagawarang Tagapagpaganap

(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas)

Seksyon 1

Ang kapangyarihang tagapagpaganap ay dapat masalalay sa isang Pangulo ng Pilipinas.

Seksyon 2

Hindi maaaring mahalal na Pangulo ang sino mang tao matangi kung siya ay isang katutubong inianak na mamamayan ng Pilipinas, isang rehistradong botante, nakababasa at nakasusulat, apatnapung taon man lamang ang gulang sa araw ng halalan, at isang residente ng Pilipinas sa loob ng sampung taon man lamang kagyat bago ang gayong halalan.

Seksyon 3

Dapat magkaroon ng isang Pangalawang Pangulo na may katangian at taning ng panunungkulan na katulad ng sa Pangulo at dapat mahalal na kasabay at sa paraang katulad ng sa Pangulo.  Maaari siyang alisin sa panunungkulan sa paraang katulad ng sa Pangulo.

Ang Pangalawang Pangulo ay maaaring hiranging Kagawad ng Gabinete.  Hindi kinakailangan ang ano mang kumpirmasyon sa gayong paghirang.

Seksyon 4

Ang Pangulo, ang Pangalawang Pangulo ay dapat mahalal sa pamamagitan ng tuwirang boto ng sambayanan para sa taning na anim na taon na magsisimula sa katanghalian ng ikatatlumpung araw ng Hunyo na sumusunod sa araw ng halalan at magtatapos sa katanghalian ng gayon ding petsa pagkaraan ng anim na taon.  Ang Pangulo ay hindi magiging karapat-dapat sa ano mang muling paghahalal.  Ang sino mang tao na humalili bilang Pangulo at naglingkod nang gayon sa loob ng mahigit na apat na taon ay hindi dapat maging kwalipikado sa paghahalal sa katularing katungkulan sa alin mang panahon.

Hindi dapat manungkulan ang sino mang Pangalawang Pangulo sa loob ng mahigit sa dalawang magkasunod na taning ng panunungkulan.  Ang boluntaryong pagtalikod sa katungkulan sa ano mang tagal ng panahon ay hindi dapat ituring na pagkauntol sa pagpapatuloy ng paglilingkod para sa buong taning na panahon ng panunungkulan na pinaghalalan sa kanya.

Maliban kung magtakda ng naiiba ang batas, ang regular na halalan para sa Pangulo at Pangalawang Pangulo ay dapat iraos sa ikalawang Lunes ng Mayo.

Ang mga ulat ng bawat halalan para sa Pangulo at Pangalawang Pangulo, na pinatibayan gaya ng nararapat ng lupong tagabilang ng bawat lalawigan o lungsod, ay dapat ipadala sa Kongreso, tukoy sa Pangulo ng Senado.  Pagkatanggap sa mga sertipiko sa bilang, dapat buksan ng Pangulo ng Senado, nang hindi lalampas ang tatlumpung araw pagkaraan ng araw ng halalan, ang lahat ng mga sertipiko sa harap ng Senado at ng Kapulungan ng mga Kinatawan sa magkasamang sesyon, at dapat bilangin ng Kongreso ang mga boto sa sandaling matiyak ang pagiging totoo at ang nararapat na pagsasagawa niyon sa paraang itinatadhana ng batas.

Ang taong may pinakamaraming bilang ng mga boto ay dapat ihayag na nahalal, ngunit sakaling dalawa o higit pa ang magkaroon ng patas at pinakamaraming bilang ng mga boto, ang isa sa kanila ay dapat piliin agad sa pamamagitan ng nakararaming boto ng lahat ng mga kagawad ng dalawang Kapulungan ng Kongreso sa magkahiwalay na pagboto.

Dapat maglagda ang Kongreso ng mga tuntunin nito para sa pagbilang ng mga sertipiko.

Dapat maging tanging hukom ang Kataastaasang Hukuman, na nakakalipon en banc, ng lahat ng mga hidwaan tungkol sa mga halalan, mga ulat, at mga kwalipikasyon ng Pangulo at Pangalawang Pangulo, at maaaring maglagda ng mga tuntunin nito para sa layuning iyon.

Pages

Learn this Filipino word:

pakimkím sa kamáy