Artikulo VII: - Page 4 of 6

Ang Kagawarang Tagapagpaganap

(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas)

Seksyon 12

Sakaling magkasakit nang malubha ang Pangulo, dapat ipabatid sa taong-bayan ang kalagayan ng kanyang kalusugan.  Ang mga Kagawad ng Gabinete na nangangasiwa sa kapanatagang pambansa at ugnayang panlabas at ang Puno ng Estado ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, ay hindi dapat pagkaitang makalapit sa Pangulo sa panahon ng gayong pagkakasakit.

Seksyon 13

Ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, ang mga Kagawad ng Gabinete, at ang kanilang mga depyuti o mga pangalawa, sa loob ng taning na panahon ng kanilang panunungkulan, ay hindi dapat humawak ng ano mang iba pang katungkulan o employment maliban kung magtadhana ng naiiba sa Konstitusyong ito.  Sa panahon ng nasabing panunungkulan, sila ay hindi dapat magpraktis nang tuwiran o di-tuwiran ng ano mang iba pang propesyon, lumahok ng tuwiran o di-tuwiran sa ano mang negosyo, o maging interesado sa pananalapi nang tuwiran o di-tuwiran sa ano mang kontrata, o sa alin mang prankisya, o natatanging pribilehyo na kaloob ng Pamahalaan o ng alin mang bahagi, sangay o instrumentaliti niyon, kasama ang alin mang korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan o mga subsidyari nito.  Dapat nilang pakaiwasang mahigpit ang salungat na interes sa pagtupad ng kanilang katungkulan.

Ang asawa at mga kamag-anak ng Pangulo sa dugo o sa relasyon hanggang sa ikaapat na antas sibil, sa taning na panahon ng kanyang panunungkulan, ay hindi dapat mahirang na mga Kagawad ng mga Komisyong Konstitusyonal, o ng Tanggapan ng Ombudsman, o mga Kalihim, mga Pangalawang Kalihim, mga tagapangulo o mga puno ng mga kawanihan o mga tanggapan, kasama ang mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan at mga subsidyari nito.

Seksyon 14

Ang mga ginawang paghirang ng Nanunungkulang Pangulo ay mananatiling maybisa, maliban kung pawalang-saysay ng halal na Pangulo sa loob ng siyamnapung araw mula sa kanyang paghawak o muling paghawak ng katungkulan.

Seksyon 15

Ang isang Pangulo o Nanunungkulang Pangulo ay hindi dapat gumawa ng mga paghirang sa loob ng dalawang buwan kagyat bago sumapit ang susunod na halalang pampanguluhan at hanggang sa matapos ang kanyang taning ng panunungkulan, matangi sa mga pansamantalang paghirang sa mga katungkulang tagapagpaganap kung ang patuloy na mga pagkabakante roon ay makapipinsala sa lingkurang pambayan o magsasapanganib sa kaligtasang pambayan.

Seksyon 16

Ang Pangulo ay dapat magnomina at, sa pagsang-ayon ng Komisyon ng Paghirang, dapat humirang ng mga puno ng mga kagawarang tagapagpaganap, mga ambasador, iba pang mga pambayang minister at konsul, o mga pinuno ng sandatahang lakas mula sa ranggong koronel o kapitan ng hukbong pandagat at iba pang mga pinuno na ang mga paghirang ay nakasalalay sa kanya sa Konstitusyong ito.  Dapat din niyang hirangin ang lahat ng iba pang mga pinuno ng Pamahalaan na ang paghirang sa kanila ay walang ibang itinatadhana ng batas, at ng mga maaari niyang hirangin sa pamamagitan ng batas.  Ang Kongreso, sa pamamagitan ng batas, ay maaaring magsalalay sa Pangulo lamang, sa mga hukuman, o sa mga puno ng mga kagawaran, mga sangay, mga komisyon o mga kalupunan, ng kapangyarihang humirang ng iba pang mga nakabababang pinuno.

Ang Pangulo ay dapat magkaroon ng kapangyarihang gumawa ng mga paghirang sa panahon ng pahinga ang Kongreso, kusa o sapilitan man, subalit ang gayong mga paghirang ay dapat na maybisa lamang hanggang sa disaprubahan ng Komisyon sa Paghirang o hanggang sa susunod na pagtitindig ng pulong ang Kongreso.

Seksyon 17

Ang Pangulo ay dapat magkaroon ng kontrol sa lahat ng mga kagawarang tagapagpaganap, mga kawanihan, at mga tanggapan.  Dapat niyang seguruhin ang matapat na pagpapatupad ng mga batas.

Learn this Filipino word:

kadáupang-palad