Artikulo VIII:

Ang Kagawarang Panghukuman

(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas)

Seksyon 1

Dapat masalalay ang kapangyarihang panghukuman sa isang Kataastaasang Hukuman at sa mga nakabababang hukuman na maaaring itatag ng batas.  Saklaw ng kapangyarihang panghukuman ang tungkulin ng mga hukuman ng katarungan na ayusin ang nangyayaring mga sigalot na kinasasangkutan ng mga karapatang nararapat hingin at ipatupad nang naaayon sa batas at pasyahan kung mayroon o walang naganap na malubhang pagsasamantala sa diskresyon na humantong sa kawalan o kalabisan sa hurisdiksyon sa panig ng alin mang sangay o instrumentaliti ng pamahalaan.

Seksyon 2

Ang Kongreso ay dapat na may kapangyarihang tumiyak, magtakda, at mag-ayaw-ayaw ng hurisdiksyon ng iba't ibang hukuman datapwat hindi maaaring alisan ang Kataastaasang Hukuman ng hurisdiksyon sa mga usaping iniisaisa sa Sekyon 7 rito.  Hindi dapat magpatibay ng ano mang batas na nagbabagong-tatag sa mga hukuman kung ito'y magpapabuway sa kaseguruhan ng takdang panahon ng panunungkulan ng mga Kagawad nito.

Seksyon 3

Dapat magtamasa ng pagsasarili sa pananalapi ang mga Hukuman.  Ang laang-gugulin para sa Hukuman ay hindi maaaring bawasan ng lehislatura nang mababa kaysa sa halagang inilaan para sa nakaraang taon at, pagkaraang mapagtibay, dapat ipalabas nang kusa at regular.

Seksyon 4
  1. Ang Kataastaasang Hukuman ay dapat buuin ng isang Punong Mahistrado at labing-apat na Kasamang Mahistrado.  Ito ay maaaring magpasya en banc o sa diskresyon nito, sa mga dibisyong binubuo ng tatlo, lima, o pitong Kagawad.  Ang ano mang bakante ay dapat punan sa loob ng siyamnapung araw simula sa pagsapit niyon.
  2. Ang lahat ng mga usaping may kinalaman sa konstitusyonaliti ng ano mang kasunduang-bansa, kasunduang internasyonal o tagapagpaganap, o batas na dapat dinggin ng Kataastaasang Hukuman en banc, at lahat ng iba pang mga usapin na sa ilalim ng mga alituntunin ng hukuman ay kinakailangang marinig en banc, kabilang ang mga may kinalaman sa konstitusyonaliti, paglalapat o pagpapairal ng mga dekri ng Pangulo, mga proklamasyon, mga kautusan, mga tagubilin, mga ordinansa, at iba pang mga regulasyon, ay dapat pasyahan nang may pagsang-ayon ang nakararaming mga Kagawad na talagang nakibahagi sa mga deliberasyon tungkol sa mga isyu sa usapin at bumoto roon.
  3. Ang mga kaso o bagay na dininig ng isang dibisyon ay dapat pasyahan o lutasin nang may pagsang-ayon ang nakararaming mga Kagawad na talagang nakibahagi sa mga deliberasyon ng mga isyu sa usapin at bumoto roon, at hindi kailanman, nang walang pagsang-ayon ng tatlo man lamang ng gayong mga Kagawad.  Kapag hindi natamo ang kinakailangang bilang, ang usapin ay dapat pagpasyahan en banc, sa pasubali, na ang ano mang doktrina o simulain ng batas na inilagda ng Hukuman sa isang pasya na iginawad en banc o sa dibisyon ay hindi maaaring baguhin o baligtarin maliban sa pagpapasya en banc ng Hukuman.

Learn this Filipino word:

iniatang sa balikat