Artikulo VIII: - Page 3 of 3

Ang Kagawarang Panghukuman

(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas)

Seksyon 9

Dapat hirangin ng Pangulo ang mga Kagawad ng Kataastaasang Hukuman at ang mga hukom ng mga nakabababang hukuman mula sa isang talaan ng tatlong nomini man lamang na inihanda ng isang Judical and Bar Council para sa bawat bakante.  Hindi kinakailangan ang kompirmasyon sa naturang mga paghirang.  Para sa mga nakabababang hukuman, dapat ipalabas ng Pangulo ang mga paghirang sa loob ng siyamnapung araw mula sa paghaharap ng talaan.

Seksyon 10

Ang sweldo ng Punong Mahistrado at ng mga Kasamang Mahistrado ng Kataastaasang Hukuman, at ng mga hukom ng mga nakabababang hukuman ay dapat itakda ng batas.  Hindi dapat bawasan ang kanilang mga sweldo sa panahon ng kanilang panunungkulan.

Seksyon 11

Dapat manungkulan ang mga Kagawad ng Kataastaasang Hukuman at ang mga hukom ng mga nakabababang hukuman habang maganda ang kanilang kaasalan hanggang sa sapitin nila ang gulang na pitumpung taon o mawalan ng kakayahang magsagawa ng mga tungkulin ng kanilang katungkulan.  Dapat magtaglay ang Kataastaasang Hukuman en banc ng kapangyarihang disiplinahin ang mga hukom ng mga nakabababang hukuman, o iatas ang kanilang pagkatiwalag sa pamamagitan ng boto ng nakararami at ng isa pang Kagawad na talagang nakibahagi sa mga deliberasyon ng mga isyu sa usapin at bumoto roon.

Seksyon 12

Ang mga Kagawad ng Kataastaasang Hukuman at ng iba pang mga hukumang itinatag ng batas ay hindi dapat italaga sa alin mang tanggapan na gumaganap ng mga gawaing mala-panghukuman o pampangasiwaan.

Seksyon 13

Ang mga pagpapasya ng Kataastaasang Hukuman sa ano mang usapin na iniharap dito upang pasyahan en banc o sa dibisyon ay dapat mabuo sa pagsasanggunian bago italaga ang isang usapin sa isang Mahistrado upang sulatin ang opinyon ng Hukuman.  Dapat magpalabas ng isang sertipikasyon tungkol dito na nilagdaan ng Punong Mahistrado at ang isang sipi niyon ay dapat ilakip sa rekord ng usapin at ipahatid sa mga panig.  Ang sino mang Mahistrado na hindi nakibahagi o salungat, o di-lumahok sa isang pasya o resolusyon ay kinakailangang maglahad ng mga katwiran na batayan nito.  Ganito ring mga pangangailangan ang dapat sundin ng lahat ng nakabababang hukumang kolehyado.

Seksyon 14

Hindi dapat maglagda ng ano mang pasya ang alin mang hukuman nang hindi inilalahad doon nang malinaw at di-maipagkakamali ang mga pangyayari at ang batas na pinagbabatayan nito.

Hindi dapat pagkaitan ng marapat ng hakbangin o tanggihan ang ano mang petisyon sa pagrebyu o mosyon para sa rekonsiderasyon sa isang pasya ng hukuman nang hindi inilalahad ang legal na batayan nito.

Seksyon 15
  1. Ang lahat ng mga usapin o bagay na idinulog mula sa pagkakabisa ng Saligang Batas na ito ay kinakailangang pasyahan o lutasin sa loob ng dalawampu't apat na buwan mula sa petsa ng pagkakadulog nito para sa Kataastaasang Hukuman, at, matangi kung iklian ng Kataastaasang Hukuman, labindalawang buwan para sa lahat ng mga nakabababang hukumang kolehyado, at tatlong buwan ang para sa lahat ng iba pang mga nakabababang hukuman.
  2. Ang isang usapin o bagay ay ituturing na idinulog para sa pagpapasya o paglutas sa sandaling iniharap ang panghuling pleading, brief, o memorandum na itinakda ng mga Alituntunin ng Hukuman o ng hukuman na rin.
  3. Pagkatapos ng kaukulang panahon, ang isang sertipikasyon hinggil dito na nilagdaan ng Punong Mahistrado o ng namumunong hukom ay dapat igawad agad at ilalakip ang isang sipi niyon sa rekord ng usapin o bagay, at ipahahatid sa mga panig.  Dapat isaad ng sertipikasyon kung bakit hindi naihayag o naigawad ang pasya o resolusyon sa loob ng naturang panahon.
  4. Sa kabila ng paglipas ng ipinatutupad na taning ng panahon, dapat pasyahan o lutasin ng hukuman, nang hindi makahahadlang sa pananagutang natamo bunga niyon, ang usapin o bagay na iniharap sa pagpapasya nito, nang wala nang pagkabalam pa.
Seksyon 16

Ang Kataastaasang Hukuman, sa loob ng tatlumpung araw mula sa pagbubukas ng bawat regular na sesyon ng Kongreso, ay dapat magharap sa Pangulo at sa Kongreso ng taunang ulat ng mga pamalakad at mga gawain ng mga Hukuman.