Artikulo VIII: - Page 2 of 3

Ang Kagawarang Panghukuman

(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas)

Seksyon 5

Dapat magtaglay ang Kataastaasang Hukuman ng sumusunod na mga kapangyarihan:

  1. Gumamit ng orihinal na hurisdiksyon sa mga usaping may kinalaman sa mga ambasador, iba pang mga minister pambayan at mga konsul, at sa mga petisyon para sa certiorari, prohibition, mandamus, quo warranto, at habeas corpus.
  2. Repasuhin, rebisahin, baligtarin, baguhin, o patibayan sa paghahabol o certiorari, ayon sa mga maaaring itadhana ng batas o ng mga alituntunin ng hukuman, ang mga pangwakas na pagpapasya at mga kautusan ng mga nakabababang hukuman sa:
    1. Lahat ng mga usapin na ang konstitusyonaliti o baliditi ng ano mang kasunduang-bansa, kasunduang internasyonal o tagapagpaganap, batas, dekri ng pangulo, ordinansa, kautusang tagapagpaganap, proklamasyon, o regulasyon ay pinagtatalunan.
    2. Lahat ng mga usapin na kinasasangkutan ng legalidad ng ano mang bwis, singil, tasasyon, o tol, o ano mang parusang ipinataw kaugnay niyon.
    3. Lahat ng mga usapin na ang saklaw ng alin mang nakabababang hukuman ay pinagtatalunan.
    4. Lahat ng mga usaping kriminal na ang parusang ipinapataw ay reclusion perpetua o higit pa.
    5. Lahat ng mga usapin na pagkakamali o suliranin sa batas lamang ang nasasangkot.
  3. Magtalagang pansamantala ng mga hukom ng mga nakabababang hukuman sa ibang himpilan ayon sa maaaring kailanganin ng kapakanang pambayan.  Ang gayong pansamantalang pagtatalaga ay hindi dapat lumampas sa anim na buwan nang walang pagsang-ayon ang kinauukulang hukom.
  4. Iatas ang pagbabago ng benyu o lugar ng paglilitis upang maiwasan ang pagkabigo ng pagpapairal ng katarungan.
  5. Maglagda ng mga alituntunin tungkol sa pangangalaga at pagpapatupad ng mga karapatang konstitusyonal, pleading, praktis, at pamamaraan sa lahat ng mga hukuman, pagtanggap sa praktis bilang abogado, integrated bar, at tulong na pambatas sa mga kapuspalad.  Ang gayong mga alituntunin ay dapat magtakda ng payak at di magastos na pamamaraan para sa mabilis na pagpapasya sa mga usapin, maging magkakatulad sa lahat ng hukuman na magkakaantas, at hindi magbabawas, magdaragdag, o magbabago ng mga karapatang makabuluhan.  Ang mga alituntunin ng pamamaraan ng mga tanging hukuman at mga kalupunan na mala-panghukuman ay dapat manatiling maybisa hangga't hindi pinawawalang-saysay ng Kataastaasang Hukuman.
  6. Humirang ng lahat ng mga pinuno at mga kawani ng mga hukuman ayon sa Batas ng Serbisyo Sibil.
Seksyon 6

Ang Kataastaasang Hukuman ay dapat magtaglay ng superbisyong pampangasiwaan sa lahat ng mga hukuman at sa mga tauhan niyon.

Seksyon 7
  1. Hindi dapat mahirang na Kagawad ng Kataastaasang Hukuman o ng alinmang nakabababang hukumang kolehyado ang sino mang tao matangi kung siya ay katutubong inianak na mamamayan ng Pilipinas.  Ang isang Kagawad ng Kataastaasang Hukuman ay kinakailangang apatnapung taon man lamang ang gulang, at kinakailangang sa loob ng labinlimang taon o higit pa ay naging hukom ng isang nakabababang hukuman o nagpraktis bilang abogado sa Pilipinas.
  2. Dapat magtakda ang Kongreso ng mga katangian ng mga hukom ng mga nakabababang hukuman, ngunit hindi maaaring mahirang na hukom ang sino mang tao matangi kung siya ay isang mamamayan ng Pilipinas at kabilang sa Philippine Bar.
  3. Ang isang Kagawad ng Hukuman ay kinakailangang nag-aangkin ng subok na kakayahan, kalinisang-budhi, katapatan at malayang pag-iisip.
Seksyon 8
  1. Nililikha sa pamamagitan nito ang isang Judicial and Bar Council sa pangangasiwa ng Kataastaasang Hukuman na binubuo ng Punong Mahistrado bilang Tagapangulo ex-officio, ng Minister ng Katarungan at ng isang kinatawan ng Kongreso bilang mga kagawad ex-officio, ng isang kinatawan ng integrated bar, ng isang propesor ng batas, ng isang retiradong Kagawad ng Kataastaasang Hukuman at ng isang kinatawan ng pribadong sektor.
  2. Dapat hirangin ng Pangulo ang mga regular na kagawad ng Council para sa taning na panahon ng panunungkulan na apat na taon nang may pagsang-ayon ng Komisyon sa Paghirang.  Sa mga Kagawad na unang hinirang, ang kinatawan ng integrated bar ay dapat manungkulan sa loob ng apat na taon, ang propesor ng batas sa loob ng tatlong taon, ang retiradong mahistrado sa loob ng dalawang taon, at ang kinatawan ng pribadong sektor sa loob ng isang taon.
  3. Ang Klerk ng Kataastaasang Hukuman ay dapat maging Kalihim ex-officio ng Council at dapat mag-ingat ng katitikan ng mga pulong nito.
  4. Ang mga regular na Kagawad ng Council ay dapat tumanggap ng mga pabuya na maaaring itakda ng Kataastaasang Hukuman.  Ang Kataastaasang Hukuman ay dapat maglaan sa taunang badyet nito ng laang-gugulin para sa Council.
  5. Ang Council ay dapat magtaglay ng pangunahing tungkulin na magtagubilin ng mga hihirangin sa mga hukuman.  Ito ay maaaring gumanap ng iba pang mga gawain at tungkulin na maaaring iatas ng Kataastaasang Hukuman.

Learn this Filipino word:

nákaisáng-palad