Artikulo VI:

Ang Kagawarang Tagapagbatas

(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas)

Seksyon 1

Dapat masalalay sa isang Kongreso ng Pilipinas ang kapangyarihang Tagapagbatas, na dapat na binubuo ng isang Senado at isang Kapulungan ng mga Kinatawan, maliban sa lawak na inilaan sa mga taongbayan ng tadhana tungkol sa pagpapatiuna at reperendum.

Seksyon 2

Ang Senado ay dapat buuin ng dalawampu't apat na Senador na dapat ihalal sa kalahatan ng mga kwalipikadong botante ng Pilipinas, ayon sa maaaring itadhana ng batas.

Seksyon 3

Hindi dapat maging Senador ang sino mang tao matangi kung siya ay katutubong inianak na mamamayan ng Pilipinas, at, sa araw ng halalan, tatlumpu't limang taong gulang man lamang, nakababasa at nakasusulat, rehistradong botante, at naninirahan sa Pilipinas sa loob ng panahong hindi kukulangin sa dalawang taon kagyat bago sumapit ang araw ng halalan.

Seksyon 4

Ang taning ng panunungkulan ng mga Senador ay dapat na anim na taon at dapat magsimula, matangi kung may naiibang itinatadhana ang batas, sa katanghalian ng ikatatlumpung araw ng Hunyo na sumusunod sa araw ng pagkakahalal sa kanila.

Hindi dapat manungkulan ang sino mang Senador nang mahigit sa dalawang magkasunod na taning ng panunungkulan.  Ang boluntaryong pagtalikod sa katungkulan sa ano mang tagal ng panahon ay hindi dapat ituring na pagkauntol sa pagpapatuloy ng kanyang paglilingkod para sa buong taning na panahon ng panunungkulan na pinaghalalan sa kanya.

Seksyon 5
  1. Ang Kapulungan ng mga Kinatawan ay dapat buuin ng hindi hihigit sa dalawang daan at limampung kagawad matangi kung magtakda ang batas ng naiiba, na dapat ihalal mula sa mga purok pangkapulungan na pinag-ayaw-ayaw sa mga lalawigan, mga lungsod at Metropolitan Manila Area ayon sa rami ng kinauukulang mga naninirahan, at batay sa magkakatulad at paunlad na pagdami, at yaong ayon sa itinatadhana ng batas ay dapat ihalal sa pamamagitan ng sistemang parti-list ng rehistradong mga partido o organisasyong pambansa, panrehyon, at pansektor.
  2. Ang mga kinatawang parti-list ay dapat na binubuo ng dalawampung porsyento ng lahat ng mga kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan.  Sa loob ng tatlong magkakasunod na taning ng panunungkulan pagkaraang maratipikahan ang Konstitusyong ito, ang kalahati sa mga pwestong nakalaan sa mga kinatawang parti-list ay dapat punan, ayon sa itinatadhana ng batas, sa pamamagitan ng pagpili o paghahalal mula sa sektor ng mga manggagawa, magsasaka, mahirap na tagalungsod, mga katutubong pamayanang pangkalinangan, mga kababaihan, kabataan at sa iba pang mga sektor na maaaring itadhana ng batas, maliban sa sektor na panrelihyon.
  3. Ang bawat purok pangkapulungan ay dapat buuin, hangga't maaari, ng teritoryong magkakaratig, buo, at magkakatabi.  Ang bawat lungsod na ang populasyon ay dalawang daa't limampung libo man lamang, o ang bawat lalawigan, ay dapat magkaroon ng isa man lamang kinatawan.
  4. Sa loob ng tatlong taon kasunod ng ulat ng bawat sensu, ang Kongreso ay dapat gumawa ng muling pag-aayaw-ayaw ng mga purok pangkapulungan batay sa mga pamantayang itinatadhana sa seksyong ito.
Seksyon 6

Hindi dapat maging Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang sino mang tao matangi kung siya ay katutubong inianak na mamamayan ng Pilipinas at sa mga araw ng halalan, ay dalawampu't limang taong gulang man lamang, nakababasa at nakasusulat, at, maliban sa mga kinatawang parti-list, rehistradong botante sa purok na paghahalalan sa kanya, at nakapanirahan doon sa loob ng panahong hindi kukulangin sa isang taon kagyat bago sumapit ang araw ng halalan.

Seksyon 7

Ang mga Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan ay dapat ihalal para sa taning na tatlong taon na magsisimula, matangi kung may naiibang itinatadhana ang batas, sa katanghalian ng ikatatlumpung araw ng Hunyo na sumusunod sa pagkahalal sa kanila.

Hindi dapat manungkulan ang sino mang Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan nang higit sa tatlong magkakasunod na taning ng panunungkulan.  Ang boluntaryong pagtalikod sa katungkulan sa ano mang tagal ng panahon ay hindi dapat ituring na pagkauntol sa pagpapatuloy ng kanyang paglilingkod para sa buong taning na panahon ng panunungkulan sa pinaghalalan sa kanya.

Pages

Learn this Filipino word:

di-mahapayang gatang