Artikulo VII: - Page 3 of 6

Ang Kagawarang Tagapagpaganap

(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas)

Seksyon 9

Kailanman at may bakante sa katungkulan ng Pangalawang Pangulo sa taning na panahon ng panunungkulan na pinaghalalan sa kanya, ang Pangulo ay dapat magnomina ng isang Pangalawang Pangulo mula sa mga kagawad ng Senado at ng Kapulungan ng mga Kinatawan na dapat manungkulan sa sandaling makumpirmahan ng nakararaming boto ng lahat ng mga kagawad ng dalawang Kapulungan ng Kongreso sa magkahiwalay na pagboto.

Seksyon 10

Ang Kongreso ay dapat magsimula ng pagpupulong sa ikasampu ng umaga ng ikatlong araw pagkaraang mabakante ang mga katungkulan ng Pangulo at ng Pangalawang Pangulo, alinsunod sa mga alituntunin nito na hindi mangangailangang itawag, at sa loob ng pitong araw ay magpatibay ng batas na tumatawag ng tanging halalan upang maghalal ng isang Pangulo at isang Pangalawang Pangulo na idaraos nang hindi aaga sa apatnapu't limang araw o di lalampas sa animnapung araw mula sa panahon ng pagtawag na iyon.  Ang panukalang-batas sa pagtawag ng tanging halalan ay ituturing na pinagtibay sa ilalim ng talataan 2, Seksyon 2, Artikulo VI ng Konstitusyong ito at dapat maging batas matapos pagtibayin sa ikatlong pagbasa ng Kongreso.  Ang laang-gugulin para sa tanging halalan ay kukunin sa alin mang kasalukuyang laang-gugulin at hindi dapat masaklaw ng mga pangunang kinakailangan na itinatakda ng Talataan 4, Seksyon 25, Artikulo VI ng Konstitusyong ito.  Ang pagpupulong ng Kongreso ay hindi maaaring suspindihin ni ipagpaliban kaya ang tanging halalan.  Hindi dapat tumawag ng ano mang tanging halalan kapag ang pagkabakante ay nangyari sa loob ng labing-walung buwan bago sumapit ang petsa ng susunod na halalang pampanguluhan.

Seksyon 11

Kailan man at nagpahatid ang Pangulo sa Pangulo ng Senado at sa Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng kanyang nakasulat na deklarasyon na hindi niya kayang gampanan ang mga kapangyarihan at tungkulin ng kanyang katungkulan, at hangga't hindi siya nagpapahatid sa kanila ng nakasulat na salungat na deklarasyon, ang gayong mga kapangyarihan at mga tungkulin ay dapat gampanan ng Pangalawang Pangulo bilang Nanunungkulang Pangulo.

Kailanman at ang nakararami sa lahat ng mga Kagawad ng Gabinete ay nagpahatid sa Pangulo ng Senado at sa Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng kanilang nakasulat na deklarasyon na hindi kayang gampanan ng Pangulo ang mga kapangyarihan at tungkulin ng kanyang katungkulan, ang Pangalawang Pangulo ang dapat bumalikat agad sa mga kapangyarihan at tungkulin ng katungkulan bilang Nanunungkulang Pangulo.

Pagkatapos niyon, kapag ang Pangulo ay nagpahatid sa Pangulo ng Senado at sa Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng kanyang nakasulat na deklarasyon na walang umiiral na ano mang kawalang-kaya, dapat niyang balikating muli ang mga kapangyarihan at tungkulin ng kanyang katungkulan.  Samantala, kapag ang nakararami sa lahat ng mga kagawad ng Gabinete ay nagpahatid sa Pangulo ng Senado at sa Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan sa loob ng limang araw ng kanilang nakasulat na deklarasyon na hindi kayang gampanan ng Pangulo ang mga kapangyarihan at tungkulin ng kanyang katungkulan, dapat pagpasiyahan ng Kongreso ang isyu.  Para sa layuning iyon, dapat magpulong ang Kongreso sa loob ng apatnapu't walong oras, kung ito ay walang sesyon, alinsunod sa mga Alituntunin nito at hindi na nangangailangang itawag.

Kung ipasya ng Kongreso, sa loob ng sampung araw pagkatanggap sa huling nakasulat na deklarasyon, o, kung walang sesyon, sa loob ng labindalawang araw pagkaraang ito ay kinakailangang magkatipon, sa pamamagitan ng dalawang-katlong boto ng kapwa Kapulungan ng Kongreso, sa magkahiwalay na pagboto, na hindi kayang gampanan ng Pangulo ang mga kapangyarihan at tungkulin ng kanyang katungkulan, ang Pangalawang Pangulo ang dapat manungkulang Pangulo; kung hindi, dapat magpatuloy ang Pangulo sa pagtupad ng mga kapangyarihan at tungkulin ng kanyang katungkulan.

Learn this Filipino word:

nasirà ang tiyán