Pilipino : Isang Depinisyon

ni Ponciano Pineda

(Sabayang Pagbigkas)

(Lahat)
ano ka? ano siya? ano ako? ano tayo?
sabi nila'y Pilipino

ugat natin ay Silangan
anak dagat ang ninunong hatid dito ng barangay
galing doon sa malayo, sa matandang kalupaan
dito sila ipinadpad / ng magandang kapalaran

(Solo)
naibigan itong pulo / kaya't dito nangagkuta
nanirahan, nangaglahi, nangabuhay nang masagana
may ugaling katutubo, may gobyerno at bathala
may samahan at ibigan, maayos at payapa
may sariling wika
tayo raw ito
sa ante-panahon / ng kolonyalismo

(Lalaki)
walang abog
mula sa Kanluran /  ang dayo'y sumapit
ako ay hinamak, siya ay inapi, ikaw ay hinamig
siniil ang laya, kinamkam ang yaman
barangay ay binuwag
mga tala ay sinunog
abakada'y ibinawal
ipinasiyang mga mangmang
ang lahat ng katutubong kayumanggi ang kulay

(Babae - medium)
at naging alipin ang bayan kong irog
ma-Iloko, ma-Bisaya, ma-Kapampangan, ma-Tagalog

(Babae - high)
at sa halip, at sa halip
pinalitang lahat-lahat
ang gobyerno / ang relihiyon, ang ugali, ang kultura
Kinastila itong dila
itong puso'y Kinastila

Pages

Learn this Filipino word:

mabigát ang ulo