Tinig ng Bagong Pilipino

ni Nenita Papa

(Sabayang Pagbigkas)

Impit yaong tinig, mahina, mariin
    waring nanunuot
Sa damdami't diwa, nitong aking pusong
    pilit kumikirot,
Dahil sa siphayong tinamo sa madla
    at sama ng loob
Nabigong pag-asang, kay tagal inasam
    ay naghihimutok.

Iyan ay kahapon -- tinig ng kahapong
    nais ay buhayin
Sa isang pangarap, mailap sa awari't
    malayong marating
Nitong Pilipino, ang mga hangari't
    mga salamisim
Hayu't lumilipad sa alapaap at
    mga panainorin!

Ako'y Pilipino may diwang malaya't
    pusong naghahangad
Muling isinilang at muling nabuhay
    sa isang pangarap
Nakapagtataka! Narito! Sumulpot
    sa sangmaliwanag
Nagkulay luntian, nagpilit mabuhay
    sa gitna ng hirap.

Ako! Ako na nga! Isang Pilipinong
    kay hina ng tinig
Tinig ng kahapong, sa kalawaka'y
    bahagyang marinig
Ngayo'y maligaya at halos isigaw
    sa buong paligid
Ako'y Pilipino, Bagong Pilipino,
    sa inyong pangmasid!

Itong pag-iisip, malusog, malaya
    bukas at mayaman,
Yaring aking pusong busog sa pag-ibig
    banal at dalisay
Tanging layunin ko't mga pagsisiskap
    dulo'y kaunlaran
Ang lahat ng ito, bayang minamahal,
    aking iniaalay.

Lakas nitong bisig, lusog ng katawan
    tibay ng damdamin
Aking kasangkapan sa muling paghawan
    landas na madilim
Pagsisikapan ko't ipinangangakong
    muling pagyayamanin
Bundok na nahubdan, bukid na tiwangwang
    pilit bubuhayin

Eto ako ngayon at muling nagising
    biglang nagulantang
Matang nakapikit, aking idinilat
    sa mga kamalian
Minsa'y naging hangal, bulag na sumunod
    kaliwa o kanan
Ni hindi inisip kung saan hahantong
    tinaluntong daan.

Sa harap ng salamin ako ay tumayo
    at aking namalas,
Yaring kaanyuang, maganda at tindig
    makisig, mabulas,
Larawang nakita'y labis na humanga
    sa mukha'y nabakas
Ang pagmamalaki, ng bago mong anak,
    Inang Pilipinas.

Learn this Filipino word:

matandáng tinalì