Tinig ng Bagong Pilipino - Page 2 of 2
ni Nenita Papa
(Sabayang Pagbigkas)
Bakas ng kahapon sa aking gunita
hangad ko'y ilibing
Dilim ng lumipas, sa bagong liwanag
pilit hahawiin
Sa Bagong Lipunan, ako'y namumuhay
walang alalahanin
Tahimik, payapa, masaya't maunlad,
araw na darating.
Subalit, kaysaklap! Kung isang umaga
ako'y magigising
Ang aking larawang Bagong Pilipino'y
wala sa paningin
Sandaling tinangay, maputlang anino
sa dapyo ng hangin
Dahil paigbabaw, mga pagbabagong
guhit sa buhangin.
Kung magkakagayon, hindi mapigil
aking mga luha
Sa muling pagdaloy, habang mapipigil
aking mga luha
Sa muling pagdaloy, habang nakikita
ang pagdaralita
Ang pagkabusabos, isipang kolonyal
maling adhika
Di ko papayagang muling makapasok
sa puso at diwa.
Matibay na moog, lahing kayumanggi
kahapon at ngayon
Aking bubuuin, pilit itatayo
sa habang panahon
Di ko papayagang wasaki't iguho
unos at daluyong
Sa lakas ko't tibay, Bagong Pilipino
ito'y isang hamon.
Ngayo'y malakas, umaalingawngaw
yaong isang tinig
Di na isang bulong, parang nakikiamo
na siya'y marinig
Habang lumalakas, pilit umaabot
buong paligid
Nitong kalawakan, sa alinmang sulok
ng daigdig.
Waring nagsasabing ako'y ako pa rin,
di nagbabago,
Sa paglipas ng taon, di na magbabalik
yaong dating ako,
Bukas makalawa, ngayon at darating
matatagpuan mo,
Ako, kailanman, lahat ng panahon
Bagong Pilipino!