Pamana ng Lahi
ni Patrocinio V. Villafuerte
(Sabayang Pagbigkas)
Di mo man sabihin, aking nababatid,
Ikaw'y naglalakbay sa Bagong Daigdig;
Paraisong dati'y hinanap, inibig,
Alaala na lang na di magbabalik
Sabay sa pagsikat ng Bagong Umaga,
Naglaho nang ganap ang pangungulila;
Hungkag na buhay mo'y mabigyan ng pag-asa,
Ang Bagong Lipunan, may handog na ligaya.
Ngunit ang lipuna'y hindi nagwawakas,
Sa mga pangako at mga pangarap;
Damdaming dakila at diwang matalas,
Siyang magbubukas sa malayang pugad.
Pag-unlad ng bansa'y may hatid-pangako,
Na ang kalinanga'y dapat na mabuo;
Kulturang pambansa'y di dapat isuko,
Hayaang magbunga't mabusog sa puso.
Ngunit tila yata nalilimutan mo,
Mga kaugaliang buhay-Pilipino,
Ang lahat ng ito ay pagyamanin mo,
Ay nasyonalismo'y mapapasaiyo.
Ang pagkakaisa'y pagbabayanihan,
Nag-usbong sa diwa't lahing makabayan,
Kung sasariwain at pagbabalikan,
Ang pagkakabuklod ay masisilayan.
Sa pistang-bayan masasaksihan mo,
May perya't pabitin saka palo-sebo,
At ang santakrusan ay pinagdarayo.
Sa mga tahana't pook na dakila,
Ang tanging biyaya'y moral na adhika;
Payo ng magulang ay banal na wika,
Sa mabuting anak ay buhay na nasa.
Ang lahat ng ito'y pamana ng lahi,
Gabay nitong bansa't dangal nitong lipi;
Kaya't magsikap ka, tuwa'y magbibinhi,
Ikaw'y Pilipinong dapat na maghari.